NASA isang milyong halaga na ng tulong ang naipadala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang apektado ng Bagyong Aghon.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga local government unit na apektado ng bagyo upang mabilis ang pamamahagi ng tulong.
Inatasan din ng DSWD ang mga member agencies nito na maging alisto upang agad na makaresponde.
Kabilang sa nabigyan na ng relief goods ay ang mga apektadong pamilya sa Albay, Camarines Sur, Catanduanes, at Sorsogon Province.
Patuloy naman ngayon ang paghahanda ng ahensiya sa mga ipadadala pang tulong sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Ayon sa DSWD, aabot pa sa P3.09-B ang kanilang pondo, kabilang na rito ang P608-M na standby funds, higit 1.6 milyon pang family food packs at P1.17-B para sa food at non-food items.