ISYU tuwing may sakuna o kalamidad ang ilang politiko na ginagamit umano ang mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Halimbawa umano rito ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) upang mapakinabangan sa kanilang pansariling interes o para makakuha ng suporta lalo na kapag nalalapit ang eleksiyon.
Kaya ang DSWD muling nagpaalala sa mga re-electionist na mga politiko ngayong midterm elections para sa susunod na taon.
Sinabi kasi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, na siya ring tagapagsalita ng ahensiya, na huwag samantalahin ng mga politiko ang sunud-sunod na mga bagyo sa bansa.
Kung saan ginagamit aniya ang mga nabanggit na programa ng departamento.
Mariing ipinagbabawal ng DSWD ang pagri-repack ng mga food at non-food items na binibigay sa mga pamilyang apektado ng mga sakuna o kalamidad.
“’Yung mga family food packs ng DSWD definitely hindi dapat lagyan ng mga pangalan, mga sticker that would advance of course the political agenda of some actors, nakalagay sa box natin na bawal i-tamper in fact bawal din buksan siya at i-repack,” Asec. Irene Dumlao, Spokesperson, DSWD
Bukod diyan, hindi rin pinahihintulutan ang paglalagay ng mga mukha at pangalan sa mga karatula ng AICS at AKAP upang sabihin na inisyatibo nila ang programa o ‘di kaya naman mula sa kanila ang pondong ginamit upang makakuha ng boto mula sa mga Pilipino.
“’Yung printing ng mga tarpaulin, mahalaga doon nakalagay ang title ng event kung halimbawa kung AICS distribution ‘yan ‘yun lang ang dapat nakalagay and then logo ng Bagong Pilipinas at logo ng DSWD.”
“Hindi dapat hinahaluan ng iba pang materials ‘yung mga DSWD,” ani Dumlao.
Nais ding linawin ng DSWD na ang mga nakatanggap na ng ayuda mula sa AICS at AKAP ay mga lehitimong benepisyaryo.
Dumaan naman aniya kasi ito sa masusing validation ng mga social worker ng ahensiya upang tiyakin na sila ay karapat-dapat na tumanggap ng tulong mula sa DSWD.
‘Yun nga lang at hindi aniya maiiwasan na may mga politikong nananamantala sa programa.
Kaya, hinimok ng ahensiya ang mga Pilipino na ireklamo o ipagbigay-alam ang mga politikong ito na pumupunta sa kanilang lugar at namumudmod ng pera gamit ang programa ng DSWD.
Pero, paglilinaw ng ahensya, hindi nila saklaw o wala sa kanilang mandato na kasuhan ang mga politikong hindi tumatalima.
“We will have to defer to the Department of the Interior and Local Government for that dahil of course kinakailangang magkaroon ng investigation before any sanctions or penalties to be accorded. Gayundin we will have to defer also to the COMELEC dahil pasok na ‘yan doon sa election period,” aniya.