PINUNA ng isang consumer group ang administrasyong Marcos Jr. dahil wala na anila itong naitutulong sa mga mamimili kundi ang patuloy na taas-presyo ng mga pangunahing bilihin.
Pagbebenta ng mais ang pangunahing hanapbuhay ni Helen Rosal.
Diyan aniya nito kinukuha ang pinanggagastos niya sa pagkain, pambayad sa upa, kuryente, at tubig ng kaniyang pamilya.
Pero, kung tutuusin aniya, kakaunti lang ang kinikita niya sa bawat araw—hindi pa ito sapat para sa buong pamilya.
“Masakit sa bulsa dahil mahirap kumita,” wika ni Helen Rosal, tindera ng mais.
Dapat pa atang higpitan ni Helen ang kaniyang sinturon lalo’t inilabas na ng Department of Trade and Industry (DTI) araw ng Huwebes ang panibagong Suggested Retail Price (SRP) sa basic at prime commodities.
Ito’y matapos payagan ng ahensiya ang ilang manufacturers na magtaas-presyo ngayong taon matapos ang ilang taong hirit sa ahensiya.
Kabilang sa mga produkto na nagtaas-presyo ay ang ilang mga brand ng sardinas, gatas, kape, instant noodles, asin, canned meat, luncheon meat, Pinoy Tasty, at Pinoy Pandesal.
Halimbawa, ang isang brand ng sardinas ay nasa higit P2 ang itinaas; higit P3 sa Pinoy Tasty; at P2.25 naman sa Pinoy Pandesal, at iba pa.
Ang konsyumer na si Marilyn, sardinas na nga lang ang takbuhan tuwing kapos sa budget, nagmahal pa ito.
“Hindi na lang kakain ng sardinas, maghahanap na lang din ng medyo mura,” ayon kay Marilyn Corpuz, mamimili.
Paliwanag naman ng DTI—nasa 60 items lang ng mga basic at prime commodities mula sa higit 200 items ang inaprubahan nila.
“The rate of the increase is between 2% to 9% majority is below 5%, so maliit lang siya. Sa tingin namin wala siyang impact sa food inflation,” saad ni Asec. Agaton Uvero, Fair Trade Group, Department of Trade and Industry.
Consumer group sa gobyerno: “The President has failed to control the rising prices”
Ang pahayag ng DTI ay pinuna ng Philippine Coalition for Consumers Welfare dahil wala na raw’ng naitutulong ang pamahalaan sa buhay ng mga Pilipino kundi ang patuloy na taas-presyo sa pagkain.
Patunay daw diyan ang walang humpay na pagsirit sa presyo ng mga produktong agrikultural at maging ang mga basic at prime commodity.
Ang inaprubahang taas-presyo ng ahensiya ay dagdag pasanin sa mga konsyumer.
“I hate to say this but, the President has failed to control.”
“The government should be more sincere, regarding of what they are trying to do, nahihiya sila sa mga tao dahil hindi nila nagawan ng paraan, definitely sasabihin nila na we are trying to do something about the matter pero hanggang doon lang ‘yun, they failed to control the increasing prices,” ayon kay Jesus Las Marias, Philippine Coalition for Consumers Welfare.
Sagot naman ng DTI.
“Unang una ay matagal na rin talaga ang iba na nagre-request almost 2 years na. Pangalawa, base sa pagsusuri ng mga production cost ng mga manufacturers na mayroon talagang produkto na medyo extraordinary ang pagtaas ng mga raw materials nila lalo na sa sardinas,” ani Asec. Agaton Uvero, Fair Trade Group, Department of Trade and Industry (DTI).
Follow SMNI News on Rumble