DTI, irerekomenda ang MGCQ sa Metro Manila sa Pebrero

IREREKOMENDA ng Department of Trade and Industry (DTI) na maibaba sa mas maluwag na Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Metro Manila sa buwan ng Pebrero.

Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, kung patuloy pa rin ang nakikitang improvement o pagbuti sa COVID-19 cases sa NCR ay luluwagan na ito sa MGCQ.

Dagdag pa ng kalihim, positibo siyang handang suportahan ng economic team at mga miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagsasailalim sa Metro Manila sa MGCQ.

Kaugnay nito, iginiit ni Lopez ang kahalagahan na kasabay ng pagsusulong na luwagan ang restriksyon ay kinakailangan ang talagang mahigpit na pagsunod ng publiko sa health at safety protocols upang maipagpapatuloy din ang balanse sa pagitan ng ekonomiya at kalusugan.

Binigyang diin ng Trade secretary na hindi na kakayanin pa ng bansa ang magbalik sa mas mahigpit na community quarantine dahil magreresulta lamang ito ng lalong pagkawala ng mga trabaho at pagbagsak ng ekonomiya.

Noong Biyernes, niluwagan na ng IATF ang age restrictions sa mga pwede nang makalabas ng kanilang bahay sa mga lugar na nasa ilalim ng MGCQ.

Sa kabilang banda, una nang inihayag ng Malakanyang na posibleng isasailalim sa new normal classification ang mga lugar na walang naitatalang transmisyon ng COVID-19 sa Oktubre.

Sabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, inaprubahan na ‘in principle’ ang naturang klasipikasyon.

Sa kasalukuyan, mayroong 4 na klasipikasyon ng community measures sa bansa, ito ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) kung saan ipinapatupad dito ang pinakamahigpit na health protocols; Modified ECQ (MECQ); General Community Quarantine (GCQ) at ang pinakamaluwag na restriksyon, ang Modified GCQ (MGCQ).

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.