DTI, posibleng ipagpaliban ang hirit na taas-presyo sa mga basic at prime commodities 

DTI, posibleng ipagpaliban ang hirit na taas-presyo sa mga basic at prime commodities 

PINAG-aaralan na ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) na ihinto muna ang pag-aapruba sa hinihiling na taas-presyo ng mga basic at prime commodities manufacturer.

Ayon kay DTI Sec. Alfredo Pascual, masusing pag-aaral ang kinakailangan ukol sa mungkahing ito.

Pero, sa ngayon ay hindi pa matukoy ng DTI kung kelan nila mailalabas ang kanilang pinal na desisyon kung maaari nga bang maipagpaliban ang hirit na taas-presyo.

Mababatid, Disyembre 2022 ay marami-rami sa mga manufacturer ang naka-pending pa ang kanilang mga kahilingan na magtataas ng presyo.

Kabilang na rito ang mga manufacturer ng sardinas, canned meat, kandila, detergent soap, coffee, at gatas.

Ani Pascual, nasa 0-10% ang hinihingi nilang dagdag-presyo sa mga basic at prime commodities.

Presyo ng sibuyas at itlog sa mga supermarket, pag-aaralang maibaba -DTI

Sa usapin naman ng sibuyas at itlog, napansin ng ahensya na bumababa na ang presyo ng sibuyas ngunit tumataas naman ang presyo ng itlog.

Sa Guadalupe Public Market, naglalaro sa P300 – P400 ang presyo ng lokal na pulang sibuyas.

Habang aabot naman sa P7 – P10 ang presyo ng itlog kada isa.

Kaya naman, pinag-iisipan na rin ng DTI na maipababa ang presyo ng sibuyas at itlog sa supermarket.

Ito ay upang maramdaman ng mga mamimili ang kaginhawaan dahil sa sunod-sunod na taas-presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ani Pascual, kailangan muna balansehin kung kakayanin bang maibaba ang presyo ng sibuyas at itlog sa supermarket gaya ng nagawa sa presyo ng asukal.

Pero, sa ngayon kailangan tiyakin na mababa ang presyo ng farm gate ng sa ganon ay maibaba ang presyo sa mga supermarket.

Follow SMNI NEWS in Twitter