POSITIBO ang Department of Trade and Industry (DTI) na maaabot ng Pilipinas ang pre-pandemic Gross Domestic Product (GDP) sa taong 2022.
Itinuturing ni DTI Secretary Ramon Lopez ang 2022 bilang year of recovering back.
Naniniwala ang kalihim na muling babangon ang ekonomiya ng Pilipinas at maabot ang pre pandemic situation ng ekonomiya sa susunod na taon.
Malaki ang tyansa na maabot ng bansa ang 5% hanggang 5.5 % na paglago ng ekonomiya o Gross Domestic Product (GDP) para sa buong taon.
Ipinaliwanag ni Lopez na naging maganda ang paglago nitong 3rd quarter na mas mataas kaysa sa inaasahan at nakikitang magpapatuloy ito hanggang ngayong 4th quarter ng taon.
Ayon kay Lopez, sa ngayon ay kailangan na lamang ng bansa ng 4.8% na paglago ng GDP upang maabot ang pre-pandemic GDP level sa taong 2022.
Kung sakali aniya ay baka malagpasan pa nito ang target na 6% hanggang 7% na 2019 pre-pandemic level sa susunod na taon.
“We only need to hit 4.8% growth of GDP para maabot na natin iyong GDP level noong 2019. Ibig sabihin, makabalik na tayo sa pre-pandemic level. That’s a recovery! Nakabalik na tayo sa pre-pandemic level ng 2019, kapag ma-hit natin kahit 4.9% lang of 2022,”pahayag ni Lopez.
Base sa huling ulat ng National Economic and Develoment Authority (NEDA), pumalo sa 7.1% ang growth rate ng ekonomiya ng bansa sa third quarter.
Paliwanag ni Lopez na malaki ang naging kontribusyon ng services sector at manufacturing industry sa pagtaas ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
“Electronics account for over 60% — 62% of total exports. Malakas po ang growth ng ating electronics sector. Nandiyan din po iyong mga processed agriculture products, kasama rin po iyan. Of course, some mineral products ‘no, pero ang malaki rin po itong mga electronics at iyong processing/manufacturing sector,” ayon kay Lopez.
Igiinit naman ni Lopez na maganda ang feedback ng mga business establishments sa pagbubukas ng mga economic sectors.
Aniya, nabuhayan ng loob ang mga SMEs dahil sa magandang tugon ng publiko.
Pinaliwanag ng DTI na bagama’t maaaring bumaba ang alert level sa isang lugar, nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.
Aniya, ang pagbaba ng alert level ay pagbibigay daan din sa pagbubukas ng ekonomiya.