NAG-isyu ang Dubai General Directorate of Residency and Foreigners Affairs ng kauna-unahang 90 araw na multiple entry tourist visa para sa Hayya Card holders na magbibiyahe patungong Doha para sa FIFA World Cup Qatar 2022.
Si Mohammed Jalal, isang Jordanian na football fan ang kauna-unahang recipient ng nasabing visa.
Ito ay kasabay ng pagsuporta ng UAR sa Qatar para sa pagho-host ng FIFA World Cup 2022 sa pamamagitan ng pag-host ng mga bisita sa event at pagpayag na makapasok at makalabas ang mga ito sa UAE sa ilalim ng validity period ng visa.
Inihayag ni Lt. General Mohamed Ahmed Al Marri, Director-General of GDRFA, na ang Qatar ay posibleng tumanggap ng aabot sa isang milyon at apatnaraang libong bisita sa World Cup Period mula November 21 hanggang December 2022.
Nakumpleto na rin umano ng GDRFA ang paghahanda para sa package ng ilang serbisyo para sa foot fans na nais na mag-enjoy sa New Year’s Eve celebration sa Dubai.
Ang mga bisita ay maaaring makuha ang kanilang visa bago dumating sa UAE at maaaring magbyahe mula Dubai patungong Doha ng ilang beses bawat araw.