BALAK ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magtungo sa China upang bisitahin si Chinese President Xi Jinping at personal na ipaabot ang pasasalamat sa 600,000 na Sinovac vaccines na donasyon nito sa bansa.
Sinabi ni Pangulong Duterte kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na nais niyang magtungo sa China at makipagtagpo kay President Xi para personal na pasalamatan ito.
“Mr. Ambassador, I’d like to just say that towards the…maybe at the end of the year, when everything has settled down. I intend to make a short visit to China to just shake hands with President Xi Jinping and to personally thank him for this donation. Thank you,” ayon pa sa Pangulo.
Nais din ni Pangulong Duterte na bisitahin ang Xiamen upang tingnan ang gusali ng paaralan na nakapangalan sa kanyang namayapang ina na si Soledad.
“Maybe I’ll go to Xiamen. There’s a school built to honor my mother. You know, my mother was one of the first educators of the Chinese school in Davao,” aniya.
Aniya, sa lahat ng bansa na binigyan ng COVID-19 vaccine ng China tanging ang Pilipinas lamang ang may pribilehiyo na ihatid ang mga ito sa bansa sa halip na kunin mula China.
“I would like to just add that China has donated several vaccines to several countries. But it is only the donation made to the Philippines that was carried by a Chinese government plane. Iyong iba kinukuha doon sa China. Dito, hinatid sa atin,” pahayag ng Pangulo.