MAY babala si Pangulong Rodrigo Duterte sa Communist Party of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA) na huwag manggulo sakaling simulan na ang pamamahagi ng bakuna laban sa COVID-19.
Sinabi ng pangulo na hindi dapat galawin ng grupo ang nasabing mga bakuna na dadalhin sa mga liblib na lugar.
Payagan aniya nila dapat na ito ay makadaan dahil ang nasabing mga gamot ay para sa mga tao.
Bukod aniya sa mga CPP-NPA ay nanawagan din ang pangulo sa mga government officials na huwag harangin ang pamamahagi ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Partikular na tinukoy ng pangulo ang trabaho ng Bureau of Customs at sinabing hindi na kailangang buksan pa ang mga bakuna upang hindi masayang ang oras at panahon para ito’y maihatid na sa mga lugar na paglalagyan nito.
Nauna nang sinabi ng pangulo na posible sa katapusan ng buwan ng Pebrero ay darating ang ilang milyong doses ng COVID-19 vaccines.