BINALAAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga indibiduwal na nagbebenta ng mga pekeng COVID-19 vaccine.
Aniya, mahaharap ang mga ito ng kaparusahan sa kanilang mga aksyon.
“Itong nag-i-import ng walang ano, walang source tapos peke tapos ang mga tao magpabakuna, magbayad ng halaga dahil nga may bakuna available, I’m just warning you, huwag na huwag kayo magkakamali dito sa hirap na ang Pilipino tapos dagdagan mo ng ganitong pamamaraan ng hanapbuhay. Pupulutin ka talaga kung saan,” babala ng Pangulo sa mga nagbebenta ng pekeng COVID-19 vaccine.
Sinabi ng Pangulo na ang pagbebenta ng pekeng COVID-19 vaccines at medisina ay maglalagay sa matinding panganib sa kalusugan.
“Magpeke na kayo ng candy diyan, huwag itong medesina. I’m warning you, huwag kayo magkamali dito,” dagdag ng Pangulo.
Titiyakin aniya na maparurusahan ang mga distributor ng pekeng COVID-19 vaccines.
“Talagang nasa iyo kung gusto mo na, panahon mo ‘di sige. Hahanapin kita at ibigay ko sayo ano ang dapat para sa iyo,” aniya pa.
Sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009, ang importasyon, pagbenta at paggamit ng hindi rehistradong bakuna ay may kaparusahan na multa o pagkakulong.
(BASAHIN: Ilang ahensiya ng pamahalaan, nakaalerto sa pekeng COVID vaccines)