NASA Cebu Province si Pangulong Rodrigo Roa Duterte bukas para sa event ng Joint National Task Force – Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-RTF ELCAC).
Ito ang inanunsyo ni acting Presidential Spokesperson Martin Andanar sa isang pulong-balitaan sa Malakanyang ngayong araw.
Ani Andanar, isa ang NTF-ELCAC sa pinaka-importanteng legasiya na nagawa ni Pangulong Duterte.
“Ito po ay isa sa pinakamahalagang Duterte legacy na itutuluy-tuloy ng ating Pangulo hanggang June 30, 12:00 noon, 2022. Katuwang iyong ating mga kasamahan na sina Usec. Badoy, sila Usec. Joel Egco na silang mga spokespersons at nangunguna sa ating communication diyan,” pahayag ni Andanar.
Bukod sa naturang kaganapan, pupuntahan din ng Chief Executive ang campaign rally ng Partido ng Demokratikong Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) Cusi wing doon pa rin sa probinsya ng Cebu.
“Bukas naman ay nandoon din si Presidente sa Cebu Province para sa PDP-Laban campaign rally. If I’m not mistaken sina Mayor Ahong diyan sa Lapu-Lapu ay kasama sina Sec. Mike Dino at ang pamunuan ng PDP-Laban,” dagdag ni Andanar.
Samantala, wala pa ring ideya ang Malakanyang kung mag-i-endorso ba si Pangulong Duterte ng presidential candidate.
“Iyan ay inaabangan ko rin, dahil wala naman akong impormasyon, kung talagang mag-i-endorse si Presidente. But, clearly the President is no lame duck President as I said before, clearly the endorsement of the President is not a kiss of death for any presidentiable, dahil kalalabas lang ng survey, a few days ago na 72% iyong approval rating ni Presidente, trust or approval rating. At napakataas niyan for an outgoing president,” ani Andanar.
Sambit pa ng Palace official, maraming nagtatanong at maraming nag-aabang, kasi nga maituturing aniya na game-changer kapag si Pangulong Duterte ang nag-endorso.
Kung matatandaan, nakamit ni Pangulong Duterte ang landslide victory noong 2016 Philippine presidential elections.
Samantala, inihayag ni Pangulong Duterte na tama lamang ang kanyang desisyon na tanggihan ang alok ng oligarko na pondohan ang kanyang 2016 presidential campaign.
Ang pahayag ng Punong-Ehekutibo ay kasabay ng kanyang paninindigan na i-dismantle o lansagin ang oligarkiya sa bansa.
“Sabi ko, itong mga oligarch, it can never… Kaya ‘yung iba diyan, hindi ko tinanggap ‘yung election contribution ninyo, campaign funds I never regretted it or I do not regret it. Pagdating ng panahon, yari kayong lahat,” ani Duterte.
Pinayuhan naman ni Pangulong Duterte ang mga botanteng Pilipino na maging maingat sa pagpili ng susunod na mamumuno ng bansa.
Sabay nagbabala laban sa posibilidad na mababahiran ng korapsyon ang darating na halalan.
Una nang nagbigay ng babala ang Pangulo sa mga botante, na maliban pa sa party-list groups na may alyansa sa rebeldeng komunista, ay dapat ding maingat sa pagboto ang mga ito sa grupo na kontrolado ng mga mayayaman.
Magugunitang inihayag ni Pangulong Duterte noong nakaraang taon na nagawa niyang ma-dismantle ang oligarchs na kumokontrol noon sa gobyerno.
Sabi pa ng Malakanyang na sa nalalabing panahon, ay tuluy-tuloy pa rin sa pagtatrabaho si Pangulong Duterte partikular nga dito sa unfinished business tulad nitong sa NTF-ELCAC, pagbangon mula sa negatibong epekto ng COVID-19 at pagsiguro na mayroon malinis, patas at tapat na eleksyon sa darating na Mayo.
BASAHIN: PRRD, pinanigan si Usec. Badoy sa pahayag laban sa 5 partylist na kaalyansa ng CPP-NPA