Duterte, dinepensahan ang kinuwestyong utang na pondo para sa COVID vaccine

SINABI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang inaprubahang pondo ng Pilipinas para sa pagbili ng COVID-19 vaccine ay nanatili pa sa mga lender.

Ito’y matapos na kinuwestyon nina Senator Panfilo “Ping” Lacson at Risa Hontiveros kung nasaan na ang pondo para sa COVID-19 vaccine.

Ipinaliwanag ni Pangulong Duterte na wala pang isang sentabo ang nagamit ng gobyerno mula sa inutang na pondo dahil wala pa itong natanggap na biniling COVID-19 vaccine.

“Sinasabi na natin time and again that the money is with the lending bank still. So, we have not used any single centavo…what is in our hands are the donated vaccines,” pahayag ng Pangulo.

“Ang buong akala kasi nila yung pera na bilyon bilyon na ibinigay nila nandiyan na sa kamay natin,” aniya pa.

Sa pagsimula ng bansa sa vaccination program noong Marso 1, ginamit ng gobyerno ang mga donasyong bakuna mula sa China, ang 600,000 na dosis ng Sinovac vaccine.

Sinundan din ito ng donasyon ng 525,600 AstraZeneca vaccine mula sa COVAX Facility, ang global vaccine sharing scheme ng World Health Organization (WHO).

Sinabi ni Duterte na darating ngayong linggo ang CoronaVac vaccine ng Sinovac na binili ng pamahalaan at doon na lamang babayaran ng bangko ang vaccine manufacturer.

“It’s the bank who will pay upon our advice na nadeliver na yung bakuna. Hindi tayo ang magpunta, sila through paperwork,”ayon sa Pangulo.

(BASAHIN: Mahigit 2.3-M dosis ng COVID-19 vaccine, darating na ngayong buwan)

Samantala, pinawi ni Pangulong Duterte ang pangamba kaugnay sa financing scheme ng gobyerno para sa COVID-19 vaccine na ito ay nabahiran ng korupsiyon.

“If you are afraid of corruption let your mind go easy because these things are not susceptible to anything. The money is in the hands of the bank and they collect, yung nagpabili sa ‘tin ng bakuna, from the bank. Hindi sa atin na pumunta ‘yan kay Sonny Dominguez na bubuksan niya yung drawer tapos sasabihin niya ‘Ito na yung pambayad,’ hindi ho,” paliwanag ni Duterte kung saan natukoy niya rito si Finance Secretary Carlos Dominguez III.

Nilinaw din ni Dominguez ang pondo ng bakuna ay nagkahalaga lamang sa P82.5 bilyon at hindi umabot sa trilyon taliwas sa komputasyon ni Lacson.

SMNI NEWS