HINAMON ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang National Housing Authority (NHA) na tapusin ang housing projects para sa mga naapektuhan ng bagyong Yolanda.
Ipinag-utos ng Pangulo kay National Housing Authority General Manager Marcelino Escalada, Jr. na kumpletuhin sa loob ng anim na buwan ang naturang mga pabahay.
“’Pag hindi natapos ‘yan, maghanap kayo ng ibang trabaho. Talagang papalitan ko kayo. It was not a threat but a suggestion to them to do more because if they cannot do more, then I will look for somebody who can do more housing projects,” banta ng Pangulo.
Binanggit ng Pangulo si Leoncio Evasco kahit hindi na ito ang chairman ng HUDCC at kasalukuyang Presidential Adviser on Streamlining of Government Processes.
Ayon kay Duterte noong pumunta siya sa Tacloban City, Leyte dalawang bahay lang ang naipatayo sa mga nakaplanong housing projects.
Ngunit sa kabila ng banta ng Pangulo sinabi nito na naniniwala siya sa kakayahan ni Escalada.
“Si Escalada, mayor pa ako ng Davao, he can work miracles, he can work night and day, and even climb the highest mountain just to give a solution,” ayon sa Pangulo.
Base sa ulat ng Department of Human Settlements and Urban Development at ng NHA noong nakaraang pagdinig, hanggang Hunyo 30, 2020 mahigit 90,000 housing units na nakalaan para sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda noong 2013 ang dapat pang ipatayo.
Nasa 130,317 or 59% lamang sa 220,689 Yolanda housing units ang nakumpleto.
Hiniling ng Pangulo sa NHA na magtayo ng libreng pabahay para sa mga naninirahan sa ilalim ng tulay at malapit sa water tributaries.