HINDI luluwagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang quarantine classification ng bansa hangga’t hindi makapagsisimula ang vaccination program ng pamahalaan.
Sa cabinet meeting kagabi, inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na tinanggihan ng pangulo ang panukala na ilagay sa Modified General Community Quarantine o MGCQ ang bansa.
Ayon kay Roque, bagama’t batid ni Duterte ang pangangailangan na muling buksan ang ekonomiya, mas prayoridad ng presidente ang kaligtasan at kalusugan ng mamamayang Pilipino.
Saad din ng kalihim na gusto na ng pangulo magsimula ang pagbabakuna sa lalong madaling panahon.
Nitong nakaraang linggo, iminungkahi ng NEDA o National Economic Development Authority na upang matugunan ang kahirapan at kawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya ay ilagay na sa MGCQ ang bansa sa buwan ng Marso.
Samantala, ikinatuwa ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin ang Metro Manila sa General Community Quarantine hanggang magsimula ang rollout ng bakuna kontra COVID-19.
Si Belmonte ay isa sa walong alkalde ng Metro Manila na bumoto na panatilihin sa GCQ ang National Capital Region pero natalo sila matapos siyam na mayor ang pinili ang Modified GCQ sa Marso.
Sa isang pahayag, pinuri ni Belmonte na inuna ng pangulo ang kalusugan at kapakanan ng sambayang Pilipino sa kahit na ano pa man.
Sa kabila nito, sinabi ni Belmonte na handa ang local government sakaling ideklara ng pangulo ang pagpapalit sa MGCQ sa susunod na buwan.