Duterte, hindi obligadong isapubliko ang estado ng kalusugan kung walang malubhang sakit —SolGen

Duterte, hindi obligadong isapubliko ang estado ng kalusugan kung walang malubhang sakit —SolGen

IGINIIT ni Solicitor General Jose Calida na hindi obligado si Pangulong Rodrigo Duterte na isapubliko ang estado ng kanyang kalusugan kung wala naman itong malubhang karamdaman.

Ayon kay Calida, sa ilalim Section 12, Article VII ng konstitusyon, mayroong right to privacy si Pangulong Duterte tulad ng ordinaryong mamamayang Pilipino.

Ibinahagi pa ni Calida na sa kabila ng iniindang karamdaman ng Chief Executive na nakuha nito bago pa maupo sa posisyon, ay patuloy pa rin aniyang nagtatrabaho nang maayos ang pangulo.

Paliwanag ni Calida, bilang pinakamataas na opisyal ng Republika ng Pilipinas, hindi naman ito nangangahulugan na wala na siyang right to privacy.

Dagdag pa ng Solicitor General, prerogative ni Pangulong Duterte kung isasapubliko niya ang impormasyon patungkol sa estado ng kanyang kalusugan o hindi.

Mababatid na may mga report na nagsilabasan ukol sa health status ni Pangulong Duterte at napaulat pang lumipad ito patungong Singapore nitong weekend para sa isang emergency treatment.

Kaugnay nito, nagbabala si Senator Christopher Bong go laban sa mga nagpapakalat ng malisyoso at maling balita na may kinalaman sa kalusugan ng Punong-Ehekutibo.

Sa kabila aniya ng edad ni Pangulong Duterte ay tuloy at aktibo pa rin ito sa pagtugon sa pangangailangan at paghahatid-serbisyo sa mamamayang Pilipino.

Hindi napigilan ng senador na madismaya sa mga lumabas na fake news na nagresulta ng pag-aalala ng publiko lalo pa’t kasalukuyang nasa health crisis ang bansa.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.