KASUNOD ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 at banta ng Omicron variant, may apela ngayon si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga taga-simbahan kaugnay ng pagsasagawa ng aktibidad o mass gatherings.
Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga taga-simbahan na suspendihin ang anumang mass gatherings kasama na rito ang Traslacion ngayong taon.
Sinabi ni Pangulong Duterte na kailangan siyang umapela ng pag-uunawa na kanselahin ang ganitong mga aktibidad bunsod ng tumataas na kaso COVID-19 sa bansa.
“Our job is really to come out with critical decisions to protect public health and public safety. Kung nakikinig ang Roman Catholic Church. I am now appealing to you to forego and cancel all physical gatherings including the procession and the celebration of mass sa church because marami yan sila,” pahayag ni Pangulong Duterte.
Giit ng Punong Ehekutibo, trabaho ng gobyerno na gumawa ng kritikal na desisyon para lamang protektahan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Samantala, maging ang Department of Health (DOH) ay umapela na rin na kanselahin muna ang mass gatherings kabilang na rito ang darating na selebrasyon ng Traslacion ng ilang Pilipino.
Payo ni DOH Secretary Francisco Duque III, piliin na lang na makilahok dito sa pamamagitan online o sa sariling mga bahay na lamang upang maiwasan ang pagkahawa at pagpasa ng sakit na coronavirus 2019.
Una nang inirekomenda ni Epidemiologist Dr. John Wong na iwasan na muna ang mga super spreader event para maibsan ang transmisyon ng virus.
Kabilang sa maituturing na mass events na inaasahan ngayong taon ay ang Traslacion, Sinulog Festival, at Chinese New Year.
Bukod dito, iminungkahi rin ni Dr. Wong na kailangang pag-ibayuhin pa lalo ang vaccination program at palawakin ang paggamit ng antigen test.
“We have to be able to tell the people to avoid these events. Because of the very fast transmission of Omicron we need widespread use of antigen tests. People have to be able to access this,” saad ni Dr. Wong.
Inirekomenda rin ni Wong ang home care para sa mild cases para mapreserba ang kapasidad ng mga ospital.
Mababatid na may ilang ospital na sa Metro Manila ang nag anunsyo na pansamantalang tumigil muna sa pag-admit ng mga pasyente dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga empleyado at personnel nito.