NILAGDAAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Proclamation Number 1169 na nagdedeklara ng Period of National Mourning simula Hunyo 24 – Hulyo 3.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque, para sa pagpanaw ni former President Benigno Simeon Aquino III.
Sa naturang proklamasyon, ilalagay sa half mast simula pagsikat hanggang paglubog ng araw ang pambansang watawat ng Pilipinas sa loob ng sampung araw sa lahat ng mga gusali ng gobyerno sa buong bansa .
“In this regard, the national flag shall be flown at half-mast from sunrise to sunset on all government buildings and installations throughout the Philippines and abroad for a period of ten (10) days,” pahayag ni Secretary Roque.
Muli namang nanawagan ang Malakanyang ng panalangin at pagbibigay galang sa yumaong dating presidente na binigay ang lahat ng makakaya upang pagsilbihan ang bansa at mamamayang Pilipino.
Kaugnay nito, nakiisa si Pangulong Duterte sa pagpanaw ni PNoy.
Sa mensahe ng Punong Ehekutibo, nakikidalamhati siya sa mga naulilang mga kapatid ni former President Noynoy na sina Ballsy, Viel, Pinky at Kris pati na rin sa iba pang mahal sa buhay, kaibigan at supporters nito.
Nanawagan naman ng pagkakaisa si Pangulong Duterte at umapela na isantabi muna ang pagkakaiba at pulitika.
Pahayag pa ng chief executive, mananatili sa puso ng bawat Pilipino ang iniwang legasiya ng Pamilyang Aquino pagdating sa demokrasya.
Sa ngayon nananatiling sarado ang kalsada para sa mga motorista ang Times Street, Brgy. West Triangle sa Quezon City.
Makikita pagpasok ng gate na may mga nakasabit ding yellow ribbon sa mga poste ng kahabaan ng kalsada.
Habang sa labas ng tahanan ng pamilya Aquino ay makikita na may inilagay na mga dilaw na bulaklak at balloons.
Doon lamang inilagay ang mga bulaklak na inialay ng mga supporter ni PNoy sa may LED bulletin board sa corner ng West 4th at Times Street, Quezon City.
Nananatili namang nakaantabay ang mga pulis at taga-barangay upang tiyakin ang kaayusan at seguridad sa lugar.
(BASAHIN: Bandila sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, naka-half mast)