NANANATILING hindi sang-ayon si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tumakbo ang anak nito na si Davao City Mayor Sara “Inday” Duterte sa 2022 presidential race.
Ito’y matapos hinikayat ni Surigao del Sur Governor Alexander Pimentel si Duterte na kumbinsihin si Mayor Sara o ang kanyang dating long-time aide na si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na tumakbo sa pagkapangulo.
“Inday Sara is not running. I have really, really put my foot down,” pagdidiin ng Pangulo.
Sa isinagawang situational briefing kahapon ay hiniling ni Pimentel kay Pangulong Duterte na ipagpatuloy ni Mayor Sara at ni Go ang legasiya ng Pangulo.
“Ang request po namin, may continuity. Dapat isa sa administration ang ko-continue lahat nang ginagawa niyo po lahat ng achievement,” ayon pa ni Pimentel.
Nagbabala rin si Pimentel kay Pangulong Duterte na maaaring masayang lamang ang mga na-accomplish nito kapag mula sa oposisyon ang magiging susunod na pangulo.
“Kasi baka kung iba ang Presidente, tanggalin lahat iyan. Papaano na kami? Kailangan may continuity. So, kailangan kumbinsihin natin si Inday Sara or Senator Bong Go,” aniya pa.
Kahapon ay lumabas na nanguna si Sara sa presidential at vice presidential survey na isinagawa ng OCTA Research Team mula Enero 26 hanggang Pebrero 1.
Nasa 22 porsiyento sa mga respondent na nais maging presidente si Mayor Sara.
Nanguna rin si Mayor Sara sa vice presidential survey na nakakuha ng 14%.
Dinahilan naman ni Duterte na maaring ma-harass lang ng mga kritiko si Sara partikular na kay dating Senador Antonio Trillanes IV.
“Naaawa ako sa anak ko. Ang pulitika dito sa Pili(pinas), kababuyan. Lalo na si Trillanes,” ayon kay Pangulo.
“Be careful of Trillanes. Magbantay. He will sell you to the devil pag ‘yan ang nakaupo. Patay,” dagdag pa ng Pangulo.
Samantala, wala ring planong tumakbo ang mayor ng Davao sa kabila ng mga panawagan na tumakbo ito para sa pagkapangulo sa 2022.