Duterte, ikinalugod ang nakumpletong airport at seaport projects sa GenSan

PINURI ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Transportation (DOTr) kasabay ng kanyang pangunguna sa pag-inspeksyon sa development projects sa General Santos City (GenSan) nitong Lunes.

Kabilang sa nasabing development projects ang bagong dinevelop na General Santos Airport at ang Port Operations Building (POB) complex ng Port of General Santos sa Makar Wharf.

Inilarawan ng Punong Ehekutibo ang naturang key gateway ng Mindanao bilang karagdagang milestone sa ilalim ng “Build, Build, Build” infrastructure program ng administrasyon.

Ang naturang programa ay may layon na pag-ibayuhin at gawing komportable ang pagbyahe at galaw ng mga Pilipino at palakasin ang economic activities.

Bagong develop na General Santos Airport, makapagsisilbi ng 2-M pasahero kada taon

Sa gitna ng mas pinalawak na passenger terminal building ng General Santos Airport, sinabi ni DOTr Secretary Arthur Tugade na makapagsisilbi na ito ngayon ng dalawang milyong mga pasahero kada taon, kumpara sa kapasidad nito noon na one million passengers.

Sa kabilang banda, tiwala naman si Pangulong Duterte na makalilikha pa ng maraming trabaho sa gitna ng konstruksyon ng business establishments sa upgraded airport.

Isa sa top priorities ng DOTr at ng national government sa Mindanao ang pag-upgrade ng General Santos Airport na nag umpisa noong 2018.

Samantala, ikinagalak din ni Pangulong Duterte ang bagong Port Operations Building (POB) Complex at iba pang pasilidad ng Port of General Santos sa Makar Wharf.

Mas pinag-ibayo pa ngayon ang kapasidad ng ferry cargo services at ma-a-accommodate ang mga nais bumisita sa probinsiya at magnenegosyo sa lungsod.

Ang POB Complex sa Makar Port ay inaasahan na mas mapaluluwag na ngayon ang galaw ng  mga vessel, cargo, at iba pang port-related traffic kumpara sa luma nitong complex.

Ang Makar Port ay main gateway ng mga produkto na iniluluwas sa iba’t ibang bahagi ng South Cotabato, North Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, at General Santos City o Region 12.

Binigyang diin ni Pangulong Duterte na maisasakatuparan ng kanyang administrasyon ang long-lasting development projects na magbibigay oportunidad at makabebenepisyo sa lahat ng mga Pilipino sa ilalim ng kanyang termino.

SMNI NEWS