INIHAYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang ipagdidiwang ang Pasko sa pagbisita sa mga komunidad na nasalanta ng Bagyong Odette.
Kahit pasko, ay isasakripisyo ni Pangulong Duterte na ipagdiwang ito kasama ang kanyang pamilya dahil sabi ng presidente, ilalaan niya ang kanyang panahon ngayong kapaskuhan sa pagbisita sa mga biktima ng Bagyong Odette.
Sa pagtungo ni Pangulong Duterte sa Puerto Princesa City, Palawan, sinabi nito sa kanyang talumpati na patuloy siyang magtatrabaho sa panahon ng Kapaskuhan.
“Hanggang Pasko magtatrabaho ako. Hindi ako mag-New Year, talagang lalabas ako,” pahayag ng Pangulo.
Sambit ng Punong-Ehekutibo, nais niyang matiyak na makatatanggap ang lahat ng mga sinalanta ng bagyo ng tulong at ano pang pangangailangan.
“Sabi ko kanina kung habulin ang tulong, maski na ngayong Pasko magtatrabaho pa rin ako at marami akong pupuntahan ‘yung mga lugar na gutom ‘yung tao, may sakit na at hindi nakakakain doon sa mga maliliit na mga sitio diyan sa bukid. Eh kailangan mapuntahan ‘yan,” ani Pangulo.
Sinabi rin ni Pangulong Duterte na magtatrabaho nang overtime ang gobyerno at hindi isasara ang serbisyo nito kahit Pasko para tuluy-tuloy ang tulong sa mga biktima ng kalamidad.
“Sabi ko mag-overtime kami ang gobyerno hindi magsara para maski na Pasko, sabi ko magsakripisyo na muna tayo tutal marami ng Pasko sa buhay natin, sobra-sobra na. Itong Pasko na ito ibigay natin sa tao. Iyon lang naman ang maibigay ko sa personal,” ayon sa Pangulo.
Bukod sa pag aabot ng tulong, nais ni Pangulong Duterte na maghatid ng pag-asa sa harap ng mga hamon sa buhay.
Nagbigay din ng katiyakan ang pangulo sa mga biktima ng bagyo ang sampung bilyong piso para sa disaster response.
Nauna nang binisita ng pangulo iba pang sinalanta ng bagyo gaya ng Siargao at Dinagat Islands; ang Maasin, Leyte; Inabanga, Bohol; Argao, Cebu; at Kabankalan City, Negros Occidental para ipamahagi ang relief assistance sa mga biktima ng kalamidad.
Una nang tiniyak ni Pangulong Duterte na pantay-pantay na mapagkakalooban ng pinansyal na tulong ang lahat ng mga lokal na pamahalaan na tinamaan ng bagyo.