NAGBABALA si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga gumagamit ng kanyang pangalan maging ng pangalan ng myembro ng kanyang gabinete para makakuha ng pera para sa mga kontrata ng iba’t-ibang proyekto.
Sa kanyang ulat sa bayan nitong Lunes ng gabi, sinabi ng pangulo na may ilan aniyang gumagamit ng litrato na magkatabi sila sa pista o kasal noong panahon ng kampanya upang sabihin na malapit o malakas sila sa gobyerno.
Kasunod nito, ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) na tiyaking mahuhuli ang mga indibiduwal na ginagamit ang kanyang pangalan at iba pang cabinet members upang mapadali ang kanilang transaksyon sa pamahalaan.
Sinabihan ni Pangulong Duterte ang NBI na dalhin ang mga extortionist sa Malacañang bago dalhin sa korte ang mga ito.
“I am calling on the NBI to double their time ang paghuli nito. Hulihin ninyo ito tapos i-detain ninyo ‘yan sa gabi. Bago ninyo dalhin sa korte, idaan muna sa Malakanyang. Tingnan ko lang ang pagmumukha nito. Sarap kasing maganoon ang mukha noon (kasabay ng pagkuyom ng kamao)…yung mukha ng tao paliitin mo,” pahayag ni Pangulong Duterte.
Sambit pa ng punong ehekutibo sa NBI at pulisya, iharap mismo sa kanya ang lahat ng madadakip na sangkot sa paggamit ng pangalan ng ilang opisyal ng pamahalaan para sa kurapsiyon.
Nais ding kausapin ni pangulong duterte ang mga ito at tanungin kung bakit napili nila ang ganitong klase ng hanapbuhay na manloko ng tao.
“Ngayon para matapos na ito, lahat sa NBI pati pulis, sa lahat ng mahuli ninyo sa mga ganoon dalhin ninyo sila sa opisina ko. Gusto ko lang silang kausapin. Gusto ko silang makausap bakit ganyan ang hanapbuhay nila. Kasi lokohan eh,” ani Duterte.
Samantala, hinamon din ng chief executive na makipag-usap sa kanya ang sinumang nagsasabing siya ay isang corrupt.
“I would like to talk to you. Tayo lang dalawa. Walang hawak na pera dyan, actually. Kaya diyan ako na…kasi walang nakuha. They still trying to pick the brains of Galvez looking for something which is not there at all,” dagdag pa ni Duterte.
Samantala, pinangalanan din ni Pangulong Duterte ang ilang opisyal sa Department of Social Welfare and Development o DSWD na umano’y sangkot sa katiwalian na sinuspindi na sa posisyon o nasibak na.