Duterte, ipinag-utos ang pagbuo ng task force na mag-iimbestiga sa umano’y anomalya sa PhilHealth

Duterte, ipinag-utos ang pagbuo ng task force na mag-iimbestiga sa umano’y anomalya sa PhilHealth

NAGBIGAY ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte kay Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na bumuo ng isang panel na magsasagawa ng imbestigasyon na may kinalaman sa iba’t-ibang  alegasyon ng korupsyon sa Philippine Health Insurance Corporation(PhilHealth).

Una nang tiniyak ng Malakanyang na gagawa ng kaukulang aksiyon ang pangulo sa umano’y anomalya sa PhilHealth.

Metro Deals

 

Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na batay sa Memorandum ni Pangulong Duterte, kasama sa gampanin ng nasabing panel ang pagsasagawa ng lifestyle check sa mga empleyado at opisyal ng PhilHealth maging ang pag-audit sa finances ng ahensya.

May otoridad naman ang DOJ na mag-require sa ilang ahensya ng pamahalaan na magiging myembro ng naturang panel o kaya’y aasiste sa imbestigasyon.

Kasunod nito, sinabi ni Roque na ang bubuuing task force ay kinabibilangan ng Office of the Ombudsman, Commission on Audit, Civil Service Commission, Office of the Executive Secretary, kasama rin si Undersecretary Jesus Melchor Quitain ng Office ng Special Assistant to the President, at Presidential Anti-Corruption Commission.

Dagdag pa ni Roque, habang gumugulong ang imbestigasyon, pwedeng magrekomenda ang panel sa punong-ehekutibo na magpatupad ng preventive suspension sa sinomang opisyal ng PhilHealth upang matiyak na walang sagabal sa naturang pagsisiyasat.

Sa loob ng 30 araw matapos ang pagkabuo, inaatasan ang panel sa pamamagitan ng Secretary of Justice (SOJ) na magsumite ng kanilang rekomendasyon at findings kasama na ang pagsasampa ng kaso sa sinumang mapatutunayang sangkot sa korupsyon at anomalya sa PhilHealth.

Ang hakbang ng Pangulo ay makaraang mabunyag ang alegasyon laban sa mga opisyal ng PhilHealth na umano’y nakapagnakaw ng P15 billion mula sa state health insurer sa pamamagitan ng ilang mapanlinlang na kapamaraanan.

ALTHEA Philippines

 

Una nang inihayag ng Palasyo na hinihintay lamang ni Pangulong Duterte ang findings sa imbestigasyon at hindi ito mag-aatubiling sibakin ang mga opisyal ng PhilHealth kapag mayroong malakas na ebidensiya laban sa mga ito.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.