Duterte, ipinag-utos na tanging NBI na ang mag-iimbestiga sa PNP-PDEA shooting incident

INIHAYAG ng Malakanyang na tanging ang National Bureau of Investigation o NBI lamang ang mag-iimbestiga patungkol sa putukan na nangyari sa pagitan ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)sa lungsod ng Quezon.

Ito ay batay sa kautusan na inilabas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ngayong hapon.

“Isang importanteng anunsyo galing sa ating Presidente. Nagdesisyon po ang ating Presidente na tanging NBI lang po ang mag-iimbestiga doon sa putukan na nangyari sa panig ng mga kapulisan at ng PDEA diyan po sa Quezon City. ‘Yung mga binuo pong mga joint panel para maimbestigahan niyan na binuo po ng PNP at ng PDEA ay hindi na po magtutuloy sa kanilang imbestigasyon. Tanging NBI lang po sang-ayon sa ating Presidente ang magtutuloy ng imbestigasyon,” anunsyo ni Roque.

Dagdag pa ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi na matutuloy sa kanilang imbestigasyon ang naunang binuong joint panel ng PNP at PDEA para imbestigahan ang naturang insidente.

Una nang nagpahayag ng labis na pag-aalala si Pangulong Duterte sa naganap fatal shootout sa pagitan ng mga police officers at ahente ng PDEA nitong Miyerkules.

Ipinangako ng Pangulo na bibigyan niya ng hustisya ang pagkasawi ng ilang indibidwal sa shootout incident.

SMNI NEWS