Duterte, mas pabor sa Sinopharm vaccine ng China —Palasyo

MAS nais ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na mabakunahan ng COVID-19 vaccine na gawa ng Sinopharm, isang state-owned pharmaceutical company ng China.

Sinabi ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos ginawaran ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drugs Administration (FDA) ang Sinovac, isa ring China-based drugmaker.

Gayunpaman, ay hindi rekomendado na gamitin ang Sinovac vaccine para sa medical workers at senior citizens dahil sa mababang efficacy rate nito ayon sa FDA.

“He has said na (that) his preference is for Sinopharm,” pahayag ni Roque.

Paulit-ulit na ring sinabi ng pangulo sa mga nakaraan nitong talumpati na pabor ito sa COVID-19 vaccines na gawa sa China o Russia.

Pebrero 11 nang sinabi ni Roque na may napili na ang pangulo kung anong brand ang tatanggapin nito ngunit wala aniya siyang otoridad na ianunsyo ito.

“I know of the decision of the President already. I can say that the President’s decision is consistent, but he prefers Chinese. But I am not at authority to make public that decision,” aniya.

Nagtanong na rin aniya si Pangulong Duterte sa kanyang doktor kaugnay sa kung anong kukunin na COVID-19 vaccine brand.

Matatandaan nakaraang linggo ay kinumpirma ni Roque na pumayag na ang pangulo na magpabakuna para sa COVID-19 sa publiko matapos ang una nitong desisyon na gawin itong pribado.

Nag-apela rin si Roque sa mga kritiko na huwag punahin ang mga opisyal na maunang makatanggap ng COVID-19 shots.

Samantala, layunin naman ng pamahalaan na mabakunahan ang 50 milyon hanggang 70 milyong Pilipino ngayong taon.

SMNI NEWS