Duterte, muling nanawagan sa publiko ng kooperasyon sa vaccination program

Duterte, muling nanawagan sa publiko ng kooperasyon sa vaccination program

MULING nanawagan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa publiko na magpabakuna na at sundin ang minimum health standards para malampasan ang COVID-19 pandemic.

Ang panawagan ni Pangulong Duterte ay kasabay ng pagsalubong nito sa dumating na mahigit 2.8 million doses ng Russian-made Sputnik V COVID-19 vaccine sa Villamor Airbase sa Pasay City nitong Lunes ng gabi.

Sinabi ng Punong Ehekutibo na hindi magagawang mag-isa ng gobyerno ang paglaban sa pandemya.

Bagkus, kinakailangan ang aktibong partisipasyon ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapabakuna at pagsunod sa itinakdang health protocols.

“I appeal to all our kababayans to cooperate and do their part to help overcome this pandemic. The government cannot do this alone and we need your active participation by getting vaccinated and strictly following the minimum health standards,” panawagan ni Pangulong Duterte.

Samantala, pinasalamatan naman ni Pangulong Duterte ang Russian government sa delivery ng pinakamalaking shipment ng Sputnik V vaccines sa bansa.

“Let me express my gratitude to the Russian government for the continued supply of life-saving COVID-19 vaccines to the Philippines. The deliveries affirm Russia’s commitment to achieve local vaccine equity and improving vaccine accessibility to countries specially the Philippines,” ani Duterte.

Inihayag naman ni Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov na patuloy na susuporta ang Russian government sa COVID vaccination program ng Pilipinas.

Kasabay din nito, binigyang diin ng Russian ambassador na ang naturang vaccine shipment ay isa sa maraming puntos ng aniya’y ‘future cooperation’ sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa kabilang banda, kinilala rin ni Pangulong Duterte ang matinding pagsusumikap ng Department of Health (DOH), Department of Foreign Affairs (DFA), National Task Force Against COVID-19 (NTF), at iba pang institutional partners sa pagtiyak na magkaroon ng sapat na suplay ng COVID-19 vaccines ang bansa.

“Amidst the threat of variants, you attended to prompt and safe and effective delivery, distribution, administration of the vaccines across the country. Let us work together to put an end to this disease and its harmful effects to our people and the economy for nearly two years now,” ani Duterte.

Nagbigay naman ng garantiya ang Chief Executive na ‘committed’ ang administrasyon sa pag-secure ng ligtas at epektibong bakuna para sa lahat ng mga Pilipino.

Samantala, ibinahagi ni NTF chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr. na umabot na sa 113 million ang vaccine stockpiles ng bansa, kasama na rito ang pinakahuling delivery ng bakunang Sputnik V.

Positibo naman si Galvez na makakamit ng bansa na makapagbakuna ng 70 percent ng target population sa katapusan ng taong ito.

Sa kabilang banda, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang mga lider ng lokal na pamahalaan partikular ang provincial governors ay nagpahayag din ng kagustuhang mapabilis ang vaccination program ng gobyerno.

Saysay ni Año, nagkaroon sila ng mga pagpupulong kasama ang mayors at governors at nakuha ng ahensiya ang commitment ng mga ito na i-double time ang pagbabakuna.

Batay sa national COVID-19 vaccination dashboard, nakapag-administer na ang Pilipinas ng higit 64 million (64,195,936) doses ng COVID-19 vaccines.

SMNI NEWS