Duterte, muling tiniyak na hindi ikokompromiso ang soberanya ng Pilipinas sa WPS

IGINIIT ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi nito ikokompromiso ang karapatan sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ni Pangulong Duterte na patuloy niyang poprotektahan ang interes ng bansa sa harap ng tumitinding tensyon sa pinag-aagawang soberanya sa karagatan.

Ito ay sa kabila aniya ng utang na loob ng Pilipinas sa China sa pagkakaloob ng Beijing ng libreng bakuna kontra COVID -19 sa bansa.

 “China is a good friend. Mayroon tayong utang na loob na marami, pati iyon bakuna natin. So China, let it be known, is a good friend and we do not want trouble with them, especially war,” pahayag ng Pangulo.

Sa kabilang banda, binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na patuloy na oobserbahan ng mga awtoridad ang anumang magiging kilos ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa WPS.

Samantala, ibinunton ni Pangulong Duterte ang sisi kina dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio at dating Department of Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa ginawang construction activities ng China sa WPS.

Sinabi ng Chief Executive na ang mga pagkilos ng China sa WPS ay nag-umpisang mangyari sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

“Kung bright kayo, bakit nawala ang West Philippine Sea sa atin? Panahon ninyo ‘yon eh. Panahon ninyo na talagang nandiyan kayo sa pwesto. Eh kung bright kayo, bakit nawala? Ngayong China ang naghawak doon, ako na ‘yong niluluslos niyo na maggawa ng paraan,” ayon sa Pangulo.

Una na ring ipinamukha ng Palasyo ng Malakanyang sa mga kritiko nito na hindi sa termino ni Pangulong Duterte nawala ang mga teritoryo sa WPS kasama na rin ang pagtatayo ng mga istruktura ng China sa lugar.

Inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na dinatnan na lamang ni Pangulong Duterte ang problema sa WPS mula sa dating administrasyon.

Giit ng Palasyo, sa panahon na nina Carpio nawala ang Scarborough Shoal at naitayo ang mga artipisyal na isla ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo.

SMNI NEWS