Duterte, nais na magkaroon ng mobile vaccination para sa mahihirap

NAIS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magkaroon ng mobile vaccination para sa mga mahihirap na pamilya na walang kakayanang bumiyahe patungo sa ospital.

Sinabi ni Duterte na maaaring makapagbigay ang mga ahensiya ng gobyerno ng mga sasakyan na tutungo sa mahihirap na lugar at magbigay ng bakuna kontra COVID-19.

“We’re thinking of going mobile, kayo na ang pumunta or if you are near the barangay you just wait kasi ang order ko ngayon is for the team to give you the vaccine while travelling. Marami tayong sasakyan. We will use all government assets,”pahayag ng Pangulo.

Hamon naman para kay Health Secretary Francisco Duque ang pagsagawa ng  mobile vaccination sa mga mahihirap na lugar kabilang dito ang kawalan ng tauhan na siyang magmonitor sa side effect ng bakuna sa mga nabakunahan.

“Ang problema lang po na nakikita ko po ngayon, kung dadalhin yung bakuna sa kanila kakailanganin ng napakaraming taong mag-monitor for adverse effects following immunization,” ani Duque.

Matapos aniya mabakunahan ay kailangang mamatyagan ng 30 minuto hanggang isang oras upang makita at matugunan kaagad kung may mangyayaring malalang side effect.

Binanggit naman ni Duque handa na ang mga ospital at rural health units (RHUs) kung saan gaganapin ang bakunahan.

“Kaya po ang ginagawa natin sa fixed site implementing units like RHUs and hospitals at least dun po mababantayan maramihan. Kasi kung isa-isahin po natin sa mga lugar nila, kulang po tayo sa tao para magmonitor,” aniya pa.

Sinang-ayunan naman ng Pangulo ang mungkahi ni Duque na maglaan na lamang ng transportasyon para sa pagsundo sa mga mahihirap sa nakatakdang panahon na sila’y babakunahan na.

Samantala, nangako si Pangulong Duterte sa mamamayan na walang Pilipino ang hindi mababakunahan.

“I will just say to my countrymen that do not despair. Kaya natin itong COVID na ito. Maliit na bagay ito sa buhay natin. Marami tayong dinaanan mas grabe, mas mahirap, mas naluluha kayo. I know. Lahat kayo, lalo na yung mga kababayan ko nandiyan sa squatter area. Lahat kayo, huwag kayo matakot at hindi ko kayo iwanan,” saad ng Pangulo.

Tiniyak ng Pangulo sa mahihirap na sila ang isa sa mga prayoridad ng national vaccination program ng gobyerno kasunod ng healthcare workers at senior citizens.

“Pag natapos na yung health workers, kayo ang sunod,” aniya pa.

SMNI NEWS