Duterte, nanawagan sa mga NPA at druglord na sumuko sa ngalan ng kapayapaan

Duterte, nanawagan sa mga NPA at druglord na sumuko sa ngalan ng kapayapaan

HINIMOK ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) maging mga druglord na sumuko na lamang kung gusto nila ng kapayapaan.

Sa kanyang talumpati sa Cordova, Cebu, sinabi ni Pangulong Duterte na ang pagsuko sa gobyerno pati ang pagbaba ng kanilang mga baril ang tanging katanggap-tanggap na kasunduan sa drug smugglers at rebeldeng komunista na NPA na armed wing ng Communist Party of the Philippines (CPP).

“Kayong mga NPA, kayong mga drugista, you want peace? Magtrabaho ka lang then drop the gun. Kayong mga drugista, drop the drugs. Itapon mo ‘yan at wala ka talagang problema sa akin,” pahayag ni Duterte.

Subalit kung patuloy na manlaban at umatake ang mga durugista at NPA, walang ibang magagawa ang law enforcement authorities kundi ang barilin at patayin ang mga ito.

Ito ani Pangulong Duterte ang kanyang magiging paulit-ulit na paninindigan sa natitirang panahon ng kanyang panunungkulan sa Malakanyang.

“Destroy my country and our children, I will kill you. That is my mantra and that will still be my mantra in a few days when I go out of Malacañang. Galit talaga ako sa droga,” babala pa ng Pangulo.

Paglilinaw ng Pangulo, hindi niya inutusan ang law enforcers na patayin ang mga suspek na handang sumuko.

Wala aniyang magiging problema kung umakto nang maayos at sumunod sa patakaran ang mga drug smuggler.

Samantala, aminado si Pangulong Duterte na nagkamali siya sa kanyang itinakdang deadline noon na tatlo hanggang anim na buwan na pagsugpo sa problema sa iligal na droga sa bansa.

Ipinaliwanag ng Chief Executive na nadiskubre lamang niya na malala na pala ang suliranin sa illegal drugs sa bansa nang italaga nito noon si Senator Ronald dela Rosa, at nalaman na may police generals at police officers pa na sangkot sa pagbebenta ng droga.

Sa kasalukuyan, mayroong ini-implementang community-based drug rehabilitation program ang gobyerno sa local level para sa drug surrenderers na nangangailangan ng treatment at rehabilitation.

Bukod dito, mayroon ding ini-implementang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ang pamahalaan para sa nagsurender na mga NPA.

Kaugnay nito, umaasa si Pangulong Duterte na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang pag-crackdown sa ilegal na droga, kriminalidad at terorismo.

Una nang iginiit ng Punong-Ehekutibo na hindi siya papayag na sirain ng mga durugista at NPA ang buhay ng mga Pilipino lalong-lalo na ng mga kabataan.

Follow SMNI News on Twitter