Duterte, pangungunahan ang National Vaccination Day ngayong araw

Duterte, pangungunahan ang National Vaccination Day ngayong araw

PANGUNGUNAHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pag-arangkada ng tatlong araw na National COVID-19 Vaccination Day na magsisimula ngayong araw hanggang Disyembre 1.

Personal na pupuntahan ni Pangulong Duterte ang isang vaccination site sa Metro Manila.

Ito ay partisipasyon ni Pangulong Duterte sa tatlong araw na malawakang bakunahan sa bansa na tinaguriang ‘Bayanihan, Bakunahan’.

Titingnan o kakamustahin ng Punong Ehekutibo ang takbo ng bakunahan sa isang shopping mall sa Antipolo.

Inaasahan naman na makakasama ni Pangulong Duterte ang ilang miyembro ng gabinete.

Kaugnay nito, handang handa na ang gobyerno sa tatlong araw na National Vaccination Day na magsisimula ngayong araw.

Mababatid na binabaan ng pamahalaan ang target vaccination nito sa 9 million jabs, mula sa naunang target ng 15 million sa loob ng 3-day national vaccination.

Ito ang inihayag ng National Task Force against COVID-19 (NTF-COVID-19) at ng National Vaccination Operations Center (NVOC).

Ang paunang event ng ‘Bayanihan Bakunahan’ ay nakatuon sa pagpapalawak ng pagbibigay ng booster shot at first dose inoculation.

At upang maabot ang target na 54 milyong fully vaccinated na Pilipino sa pagtatapos ng taon, magkakaroon ng isa pang vaccination drive sa Disyembre 15 hanggang 17.

Ang ikalawang bayanihan bakunahan program ay nakatutok sa pagbabakuna para sa second dose at boosters.

Kasunod nito, pursigido ang NTF at NVOC kasama ang partners nito sa lahat ng lebel sa gobyerno at pribadong sektor na makamit ang target vaccination nito ngayong taon.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.