Duterte, pinaiimbestigahan ang pagpapabakuna ng isang ‘anak ng artista’

INATASAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Department of Health (DOH) na magsagawa ng imbestigasyon sa isang hindi otorisadong pagpapabakuna ng isang ‘anak ng artista.’

(BASAHIN: Pagpapabakuna ng AstraZeneca ni Mark Anthony Fernandez, naging kontrobersyal)

Hindi ibinunyag ni Pangulong Duterte ang pagkakilanlan ng ‘anak ng isang artista” na tinukoy nito na nagpapabakuna ng COVID-19 vaccine sa kabila na wala ito sa priority list ng gobyerno.

Sinabi ng Pangulo na nangyari ang insidente sa Parañaque City.

“Ikaw na ang bahala. Ayoko na lang magpangalan ng tao. It happened sa Parañaque. So, anak ito ng artista. Kayo na ang bahalang mag-imbestiga nito then kung matapos na ito, let your legal office handle the…Or i-deretso mo na lang, make that report out of the incident. I-deretso mo na lang sa Ombudsman. Mas mabuti,” pahayag ng Pangulo.

Matatandaan na kinumpirma ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagpabakuna ang aktor na si Mark Anthony Fernandez laban sa COVID-19 sa kabila na hindi ito isang medical frontliner.

Dinepensahan naman ito ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez na aniya ay kuwalipikado si Fernandez bilang prayoridad sa COVID-19 vaccination dahil mayroong “comorbidities” ang aktor.

Dagdag pa ni Olivarez na tapos nang mabakunahan ang lahat ng healthcare workers kaya kuwalipikado ang aktor na mabigyan ng priyoridad para sa bakuna kontra COVID-19.

SMNI NEWS