Early warning system vs kalamidad, dapat tutukan ng national gov’t—Paranas, Samar Mayor

Early warning system vs kalamidad, dapat tutukan ng national gov’t—Paranas, Samar Mayor

UMAASA ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na maisabatas na ang PHIVOLCS Modernization Bill para sa karagdagang pondo ng mga early warning system.

Isa ang Barangay Lipata sa bayan ng Paranas, Samar Province sa mga itinituring na prone sa landslide.

Kaya naman kabilang ang barangay sa 52 sites na nabigyan ng mga kagamitan para sa 24/7 na early warning system mula sa Dynaslope Project ng PHIVOLCS.

Sinabi ni Paranas Mayor Eunice Babalcon na malaking tulong ang pagkakaroon ng early warning sa pagresponde at paghahanda ng nasabing komunidad.

Nais ng alkade na tutukan pa ng pamahalaang nasyonal ang kahandaan ng publiko laban sa landslide at iba pang kalamidad sa pamamagitan ng paglalagay ng mga early warning system.

“Sana po matutukan talaga siya ng national level or national agencies especially ‘yung early warning systems kasi medyo naka-focus tayo sa post disaster. ‘Yung mga relief operations, response and rescue, pero hindi natin natututukan ‘yung preparedness ng mga tao,” ayon kay Mayor Eunice Babalcon, Paranas, Samar Province.

Modernization Bill para sa early warning system vs. Landslide, kailangan na—PHIVOLCS

Pero, aminado ang PHIVOLCS na limitado lamang ang kanilang budget para sa karagdagang warning system partikular na para sa landslide.

Kaya umaasa si PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol na maisabatas na ang PHIVOLCS Modernization Bill para sa karagdagang pondo.

“With the pending PHIVOLCS Modernization Bill na nasa Congress ngayon sana ma-expand natin ‘yung network from 52 to… We can add more sites,” ayon kay Director Teresito Bacolcol, DOST-PHIVOLCS.

Sabi ni Bacolcol, isasalang na ang nasabing panukalang batas para sa appropriations committee.

Aniya, kung may budget naman ang isang lokal na pamahalaan ani Bacolcol, handa silang tulungan ang local government unit (LGU) na magkaroon ng kagamitan para 24/7 na early warning para sa landslide na nagkakahalaga mula P200,000 hanggang P500,000.

 “For now limited lang talaga ‘yung budget namin. We are hoping na next year na again na sana madagdagan ‘yung budget namin especially for the Dynaslope. But if there are, again as I mentioned earlier, if there are LGUs willing to fund the fabrication as well as the installation of sensors. Then we are willing to train them and help them,” dagdag ni Director Teresito Bacolcol.

Ilang lugar sa bansa, nangangailangan pa ng early warning system para sa landslide

May ilan pang lugar sa bansa ang natukoy ng PHIVOLCS na dapat magkaroon ng mga early warning para sa landslide kabilang ang Ifugao Province at Abra Province.

Ano ba ang batayan upang masabing kailangan ng sensor para sa landslide?

“Yung mga LGUs na may slopes na at risk talaga as in nakikitaan ng mga fixtures and then may at risk facilities and communities, ‘yun ‘yung ideal na paglagyan talaga ng sensor natin,” ayon kay Engr. Roy Albert Kaimo, Project Chief Dynaslope Project.

Nitong Miyerkules ng hapon, isinagawa ng PHIVOLCS ang national conference para hikayatin ang mga lokal na pamahalaan at publiko na magkaroon ng warning system.

Umaasa ang ahensiya na madadagdagan pa ang bilang ng mga komunidad o lokal na pamahalaan na nais ma-asses ang kanilang lugar at mapabilang sa matutulungan ng Dynaslope project.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter