LUMAKAS pa lalo ang namataang Low Pressure Area (LPA) sa Eastern Samar na tuluyan nang naging tropical depression na pinangalanang Jolina.
Ayon sa latest bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical And Astronomical Services Administration (PAGASA), inilagay na sa Signal No. 1 ang Eastern Samar, Dinagat Islands, Siargao Islands at Bucas Grande Island sa Mindanao.
Makararanas ng malakas na pag-ihip ng hangin ang mga lugar na ito na may pagbugsong pag-ulan na inaasahan sa loob ng 36 na oras.
Dagdag pa ng PAGASA ang tropical depression ay magdadala ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Eastern Samar, Dinagat Islands at Surigao del Norte kasama ang Siargao, Bucas Grande Island sa loob ng susunod na 24 oras.
Bukod pa rito, makararanas din ng agarang pagbaha at pagguho ng lupa ang mga prone area sa mga nabanggit na lugar.
Samantala, hindi muna pinapalayag ang mga mangingisda na wala pang masyadong karanasan dahil magkakaroon ng katamtaman hanggang malakas na pag-alon ang karagatan.]