KAKULANGAN sa ebidensiya ang naging dahilan sa pagpapalaya sa tatlong mga hinihinalang suspek sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera sa isang hotel sa Makati City.
Ito ay matapos ang masusing pag-aaral ng piskalya sa mga ebidensya sa insidente nang isailalim sa inquest proceedings sina John Pascual dela Serna III, Rommel Galido at John Paul Halili.
Sa tatlong pahinang resolution ng piskalya, inatasan din nito ang Makati Police na magsumite ng karagdagang mga ebidensya tulad ng DNA analysis report, toxicology/chemical analysis at histopath examination report.
Ayon sa piskalya, kailangan munang magsagawa ng preliminary investigation sa kaso kung talaga bang hinalay si Dacera at kung talagang pinatay ito o may foul play sa kanyang pagkamatay.
Matatandaang, nagsampa ng kasong rape with homicide ang Philippine National Police laban sa mga suspek.
Pero batay sa resulta ng autopsy at medico legal reports ay lumabas na “aneurysm” ang sanhi ng pagkamatay ni Christine .
Kaugnay nito, pinayuhan din ng Makati Prosecutors Office ang PNP na laliman pa ang imbestigasyon sa kaso dahil maaaring mauwi lang sa kawalan, ma-dismiss o mawalang saysay ang mga nakahaing kasalukuyang ebidensiya sakaling umabot ito sa korte.
Nauna nang nanindigan ang Pamilya Dacera na nais nilang magkaroon ng isa pang hiwalay na otopsiya sa katawan ni Christine para matiyak ang tunay na sanhi ng pagkamatay nito.
“We are disputing the findings of the SOCO, ‘yung post-mortem report na they claimed the cause of death was aneurysm. They didn’t specify sa report ‘yung mga hematoma, yung mga bruises that were found on the victim’s body, that’s why we (sought) another post-mortem report from an independent medico-legal,” pahayag ni Atty. Paolo Tuliao, legal counsel ng Dacera Family.
Samantala, tutulong na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon ng pagkamatay ng flight attendant sa Makati City na si Christine.
Kasunod ito ng mga panawagang imbestigahan na rin ng ahensiya ang kaso at pagkokonsidera ni Department of Justice (DOJ) Sec. Menardo Guevarra na ipag-utos sa NBI ang pagsasagawa ng malalimang pagsisiyasat sa kaso.
Sa ngayon, ipinag-utos na ng NBI ang pagsasagawa ng ikalawang autopsy sa labi ni Dacera.
Ang preliminary investigation sa kaso ay itinakda sa January 13,2021 dakong alas-10:00 ng umaga.
Sakop din ng kautusan ng piskalya ang mga nakalalaya pang respondents na sina Gregorio Angelo Rafael de Guzman, Clark Rapinan, Valentine Rosales, Mark Anthony Rosales, Rey Ingles Y Mabini, Louie de Lima, Jammyr Cunanan at alias Ed Madrid.