MALAKAS ang hawak na ebidensiya ng Special Investigation Task Group (SITG) Degamo laban sa mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at 8 iba pa.
Ito ang inihayag ni Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., chairman ng SITG Degamo sa joint press conference ng DILG, DOJ, PNP at AFP sa Camp Crame, Quezon City.
Ayon kay Abalos, alam nila kung sino ang mastermind at mainam kung susuko na ito dahil malakas ang hawak nilang ebidensiya.
Maliban dito, hinimok din ng kalihim ang iba pang sangkot sa krimen na sumuko dahil posible silang patayin ng mastermind na itinuturing nilang “very dangerous” at “evil”.
Una nang ni-raid ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang compound sa Barangay Caranoche, Santa Catalina sa Negros Oriental, kung saan nakumpiska ang ilang matataas na kalibre ng armas, mga pampasabog, mga bala at halos 19 milyong pisong cash.
Si dating Negros Oriental Governor Pryde Teves, kapatid ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. ang sinasabing nagmamay-ari ng nasabing compound.