EDSA-Kamuning flyover southbound, isang buwang isasara simula ngayong Sabado

EDSA-Kamuning flyover southbound, isang buwang isasara simula ngayong Sabado

ININSPEKSYON ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kinukumpuning EDSA-Kamuning flyover southbound ngayong umaga.

Ayon kay Atty. Romando Artes, chairman ng MMDA, upang mas maayos at mapabilis ang pagkukumpuni ng nasabing tulay, isasara muna ito ng isang buwan simula alas-6 ng umaga ngayong Sabado, Hunyo 25.

Paliwanag ng DPWH na kung bakit tatagal ng isang buwan ay dahil mano-mano ang pagrerepair ng 30 metrong bahagi ng tulay.

Ayon sa MMDA, dahil sa matagal na rin ang EDSA-Kamuning flyover southbound at dahil sa dami ng dumaraan dito kaya nagkaroon ng mga bitak.

Tinatayang nasa 140,000 na mga sasakyan ang dumadaan sa nasabing tulay.

Hinikayat naman ng ahensya ang mga motorista na dumaan muna sa mga alternatibong ruta tulad ng Mabuhay Lanes at service road.

Ito ay para maiwasan ang pagkukumpulan ng mga sasakyan sa nasabing lugar.

Ang mga bus naman na dumadaan sa EDSA Bus Carousel ay pansamantala munang dadaan sa ilalim at pagdating sa dulo ng tulay ay pwede silang kumaliwa upang makabalik muli sa EDSA busway.

Humingi naman ng pang-unawa ang MMDA sa mga motorista dahil sa trapikong maidudulot ng pagkukumpuni ng nasabing tulay.

Follow SMNI NEWS in Twitter