EDSA rehab, target sisimulan sa Marso—MMDA chair

EDSA rehab, target sisimulan sa Marso—MMDA chair

AASAHAN ang matinding trapiko sa EDSA sa pagsisimula ng rehabilitasyon nito ngayong buwan ng Marso.

Isa si Aristotle sa naglabas ng hinaing sa problemang dulot ng matinding trapiko, lalo na sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Bukod kasi sa naaapektuhan ang pagpasok sa trabaho, ay nababawasan din ang oras niya para sa pamilya.

Siyempre sa matinding traffic, sa heavy traffic talaga, kumbaga ‘yung oras mo na mailalaan mo pa sa family mo, eh nawawala dahil sa heavy traffic na nararanasan natin araw-araw,” pahayag ni Aristotle, isang komyuter.

Kami araw-araw sa kalsada, ang nakikita lagi namin ang paghahanap buhay namin sa traffic. Ilang oras bago makarating ang mga pasahero namin sa paroroonan din nila. Pero sa amin talaga ang pinaka-the best niyan, bawasan ‘yung mga sasakyan, ‘yung mga 90s pababa, tanggalin na,” daing naman ni Michael na araw-araw na nagmamaneho ng pampublikong sasakyan.

Ang nararanasang trapiko na ito ng publiko ay inaasahang titindi pa sa nakatakdang pagsisimula ng rehabilitasyon ng EDSA.

Sa press briefing sa Malakanyang nitong Miyerkules, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Romando Artes na ginagawa na ang timetable at ang preliminary traffic management plan para sa rehabilitasyon ng EDSA.

Target aniya na maumpisahan ang EDSA rehab sa darating na Marso.

 “Yes. Well, dapat i-expect ng ating mga kababayan na kapag nagsimula po iyong ating rehab ng EDSA ay magki-create po iyan ng matinding traffic. Imagine ninyo kung habang ginagawa ito, gaano kalaki iyong idadagdag na oras sa iyong pagbiyahe. So, sa atin pong mga kababayan, i-update po ninyo iyong sarili ninyo. We will issue naman po mga advisories, para po maplano nila iyong biyahe nila,” paliwanag ni Atty. Romando Artes, Chairman, MMDA.

Ibinahagi naman ni Artes na ang ‘ideal’ lamang na dami ng sasakyan sa EDSA ay nasa 250,000 kada araw. Subalit ang problema ay halos dumoble ang carrying capacity nito na tinatayang nasa 470,000.

That’s why talagang nagkaka-clog up. Marami rin siyang entrance and exit going to EDSA or going to and from EDSA na nakakapagpabagal din, kasama na rin po diyan iyong mga terminal ng buses ‘pag lumalabas iyong buses, may mga establishments. So, I think yes, sobra po ang sasakyan,” paliwanag pa ni Artes.

Ipinabatid naman ng MMDA chair na ang tanging solusyon dito ay mass transportation at infrastructure na siyang ginagawa na aniya ng pamahalaan.

Mungkahing pag-aalis ng EDSA busway, napag-usapan sa pulong sa Malakanyang

Samantala, may umusbong na mungkahi na tanggalin ang EDSA busway.

Sabi ng MMDA chair, natalakay ito sa pulong sa Malakanyang kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Sentro ng nasabing pagpupulong ang usapin hinggil sa Comprehensive Traffic Management Plan sa Metro Manila at mga kalapit na probinsiya.

Gayunman, nilinaw ni Artes na suhestiyon pa lamang ang usapin tungkol sa pag-aalis ng EDSA busway kaya wala aniyang dapat ipag-alala ang riding public.

Paliwanag ni Artes, hindi mangyayari ang pagtatanggal ng EDSA busway hangga’t hindi makikita ng policy makers na ang biyahe ng MRT ay kaya nang isakay nang matiwasay ang mga pasahero ng bus carousel.

I-emphasize ko lang, ito po ay suggestion lamang and ang primary factor po diyan nga—again, uulitin ko po, ay kung kaya na ng MRT na i-accommodate lahat ng passengers including iyon pong nasa… sumasakay ng bus carousel. So, until mangyari iyan, hindi po aalisin ang bus carousel,” paglalahad pa ng MMDA chair.

Sa kabilang banda, inihayag ni Artes na hindi ganap na isasara ang buong EDSA busway kapag naumpisahan na ang EDSA rehabilitation.

Aniya, ‘by portion’ ang gagawing pagsasara sabay tiniyak na hindi rin matitigil ang biyahe ng EDSA bus carousel.

Hinikayat naman ng MMDA ang publiko na gumamit ng pampublikong transportasyon lalo na kung ang pupuntahan ay malapit lang sa EDSA o kaya’y mas maiging iwasan na lang dumaan dito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter