NIRATIPIKAHAN na ng senado ang panukalang bigyan ng kalidad na edukasyon ang mga mag-aaral na may kapansanan.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, magdudulot ito ng mahalaga at makasaysayang reporma kapag isa na itong ganap na batas.
Sa isinagawang bicameral conference committee report kamakailan, nairesolba ang pagkakaiba ng Senate Bill No. 1907 at House Bill No. 8080.
Ang panukalang batas ay pinamagatang “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act.”
Sinabi pa ng mambabatas, ngayong papalapit na ang pasko, isa ito sa mga magagandang regalo sa mga estudyanteng may kapansanan gayundin ang kani-kanilang pamilya.
Sa ilalim din ng naturang panukala ay masisiguro na hindi mapagkakaitan ng edukasyon at serbisyo ang mga nasabing mag-aaral.
Tinitiyak aniya nito, na sa bawat pribado at pampublikong paaralan para sa mga may kapansanan ay magkakaroon ng equitable access pagdating sa edukasyon.
Layon din nito ang pagkakaroon ng mga Inclusive Learning Resource Centers of Learners with Disabilities, kung saan ang mga mag-aaral na may kapansanan ay maaaring makatanggap ng mga libreng support services.
Isa rin sa mandato ng DepEd ay dapat makipag-ugnayan sa mga LGU upang magpatayo at magpatakbo ng hindi bababa sa isang ILRC sa lahat ng lungsod at munisipalidad.