SINUNOG ng La Independecia Pilipinas at League of Parents of the Philippines, ang isang effigy ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria (Joma) Sison.
Nangyari ito malapit sa Korte Suprema kung saan isinagawa ang pangalawang oral argument ukol sa mga petisyon para maibasura ang Anti-Terrorism Law.
Ang pagsunog anila ng nasabing effigy ay bilang handog nila sa ika-82 kaarawan ni Joma Sison.
Ayon kay Pep Goitia, Secretary-General ng La Independecia Pilipinas, tinututulan ng mga grupong kilalang kaalyado ng CPP ang Anti-Terrorism Law dahil batid nila na ito ang magiging daan para matuldukan na ang paghahasik ng karahasan ng New People’s Army.
Naniniwala naman ang League of Parents of the Phils., na ang naturang batas ang magliligtas ang mga kabataan mula sa panghihikayat ng mga militanteng grupo.
May hinala na ang grupo ni Sison at ang ibang teroristang grupo ay nagkaroon na ng ‘tactical alliance’ para paigtingin ang terorismo sa bansa.
Tiwala din ang mga grupong dumidepensa sa batas na malalantad nito ang mga grupo na nangangalap ng pondo para maipagpatuloy pa ang kanilang mga mapaminsalang gawain.
Sa pagkakaroon ng Anti-Terror Law sa bansa tiyak na mababawasan ang galaw at gawain ni Joma sa Pilipinas mula sa kanyang base sa Netherlands.