Mas mabilis pa ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA) kumpara sa Indonesia, China, at Singapore. Iyan ay kahit bumagsak sa 5.2 percent ang Gross Domestic Product ng bansa sa ikatlong quarter ng 2024 kumpara sa 6.3 percent noong ikalawang quarter.
Halos tatlong buwan nang hindi maayos ang kinikita ni Aling Marivick sa pagtitinda ng mga gulay.
Dahil aniya sa mga nagdaang bagyo, bumaba ang supply ng mga itinitinda niya dahilan para magmahal ang mga presyo nito.
Dahil diyan tumumal aniya ang kaniyang bentahan.
“Ang kita namin sa isang araw dalawang libo ‘yung puhanan namin. Ang tutubuin 700.”
“Mula noong magbagyo mataas ang gulay hanggang ngayon. Kaya ang tatlo libo mong puhunan ilan lang ang mabili na gulay,” wika ni Marivick Magsayo, nagtitinda ng gulay.
Dahil sa mababang produksiyon sa sektor ng agrikultura bunsod ng mga nagdaang bagyo, isa ito sa mga dahilan ng pagbagsak ng Gross Domestic Product ng Pilipinas sa 5.2% percent nitong third quarter ng 2024.
Ito ay mas mabagal sa 6.4 percent noong second quarter ngayong taon.
“The crops subsector of the Agriculture sector posted a year-on-year decline of 2.8 percent, reflecting the impacts of the El Niño phenomenon during the planting season and the effects of seven typhoons, in addition to the Habagat, during the harvest season,” ani Secretary Arsenio Balisacan, National Economic and Development Authority (NEDA).
Dahil sa mga nagdaang bagyo nitong ikatlong quarter kasama ang Bagyong Kristine, tinatayang aabot sa P15.8B ang halaga ng pinsala at nawala sa sektor ng agrikultura.
Maliban diyan, ani Balisacan, ay may ambag din sa pagbagal ng ekonomiya ang 29 na araw na fishing ban sa Cavite at Bataan sa gitna ng naranasang oil spill nitong Hulyo.
Nakaapekto rin sa GDP ng bansa ang pagbaba ng produksiyon ng karneng baboy nitong Agosto gaya na lamang sa Batangas dahil sa outbreak ng African Swine Fever (ASF).
May kontribusyon din aniya ang sektor ng Industry and Services.
“The successive typhoons suspended classes and work in government and some private offices, resulting in administrative delays and supply chain disruptions,” dagdag ni Balisacan.
Bagama’t bumagal ang paglago ng ekonomiya ng bansa nitong third quarter ng 2024, ipinagmalaki pa rin ng National Economic and Development Authority na mas mabilis pa rin naman ang 5.2 percent na GDP Growth ng bansa kung ikukumpara aniya iyan sa ibang Southeast Asian countries.
“Of the countries that have reported their third-quarter GDP growth rates, we remain one of the fastest-growing Asian economies. We follow Vietnam, which posted a 7.4 percent growth rate, and are ahead of Indonesia (with 4.9 percent), China (4.6 percent), and Singapore (4.1 percent),” ani Balisacan.
Kumpiyansa ang NEDA na nananatiling matatag ang ekonomiya ng Pilipinas at mas bubuti pa sa mga susunod na buwan dahil sa inaasahang pagtaas ng paggasta ng mga Pilipino ngayong holiday, mas stable na presyo ng mga bilihin, at puspusang recovery efforts na magpapalakas ng economic activity.
NEDA sa nakikitang benepisyo ng mga polisiya ni Donald Trump sa ekonomiya ng Pilipinas: “Too early to say”
Kaugnay naman sa pagkapanalo ni Donald Trump sa U.S. presidential elections at kung may mabebenepisyo pa ang ekonomiya ng bansa sa kaniyang mga polisiya, narito ang sagot ng NEDA.
“It’s too early to say, I believe to say anything about the impact in the Philippines because first we have to see what the incoming president said during the campaign will actually be the one to be in place once he sits in office,” aniya.