POSIBLENG hihigit pa sa dalawang libo bawat araw ang magiging kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) pagdating ng Oktubre.
Ito ang inihayag ni Infectious Diseases Expert Dr. Rontgene Solante sa Laging Handa public briefing.
Una nang sinang-ayunan ni Solante ang naging projection ng OCTA Research na maaaring aabot sa dalawang libo ang Coronavirus cases sa NCR sa susunod na buwan.
Ani Solante, tumaas ang mga kaso dahil mataas na rin ang mobility ng mga tao at marami nang nagluluwag sa mga health protocol kung saan medyo nagpakampante na ang publiko.
Saysay ng eksperto, may iba rin na hindi na nagsusuot ng face mask at marami na rin ang madalas na dumadalo sa mga pagtitipon.
Sa katunayan, saad ni Dr. Solante, mayroon silang mga pasyente na nakararanas ng mga sintomas at kadalasan magkakapamilya pa.
Batay sa datos ng Department of Health nitong September 25, nakapagtala ang NCR ng 1,600 new cases, mas mataas ito kaysa noong August peak na 1,502.