PATULOY ang Department of Energy (DOE) sa kanilang ginagawang electricity restoration sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette.
Ayon kay Energy Usec. Wimpy Fuentebella na mandato ng DOE sa inilabas ng Circular Task Force Energy Resiliency na maibalik kaagad ang suplay ng kuryente sa mga nasalanta ng bagyo.
Sinabi din ni Fuentebella na nakapagdeploy na ng mga generator sets ang DOE sa Department of Health at Office of the Civil Defense.
Dagdag ni Fuentebella na nakadeploy na din sila ng 52 generator sets sa Bohol at 17 sa Cebu.
Power restoration sa Palawan, nasa higit 85% nang kumpleto
Batay naman sa ulat ni Director Mario Marasigan ng Electric Power Industry Managament Bureau na sa Region 8 partikular sa Palawan, nasa higit 85% na mula kahapon ang restoration ng kuryente.
Dagdag ni Marasigan na umabot sa P132 million ang halaga ng pinsala na dinulot ni Bagyong Odette sa mga linya at pasilidad sa Palawan.
Suplay ng kuryente sa Camotes Island sa Cebu, 100% restored na
Sa Cebu, kinumpirma naman ni Marasigan na sa Camotes Island, fully restored na ang kuryente at halos gumagana na ang lahat ng transmission line.
Sa Negros naman, halos isang daang porsenyento na din ang power restoration ng dalawang electric cooperative sa Northern Negros at Central Negros.
Power restoration sa Bohol, target na matapos sa huling araw ng Enero
Sa Bohol, nanatiling challenging ayon sa DOE ang pagbabalik ng suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar.
Target ng ahensya na mafully restored ang kuryente sa Bohol sa huling araw ng Enero.