Emergency 911 sa bansa naging epektibo – DILG

Emergency 911 sa bansa naging epektibo – DILG

PERSONAL na dumalo si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa culminating program ng National Emergency 911 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte mula sa pangangasiwa ng ahensiya.

Para sa kalihim, naging magaling na katuwang ng pamahalaan ang Emergency 911 upang higit na maprotektahan, mapangalagaan at mabilis na matugunan ang iba’t ibang sitwasyon sa bansa mula sa mga nagdaang bagyo o kalamidad, kriminalidad, at iligal na droga.

Malaking bagay rin aniya ang modernisasyon ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte.

Taong 2018, nagpalabas ng Executive Order si Pangulong Duterte upang gamitin ang 911 bilang bagong emergency number sa buong bansa.

Sa pamamagitan ng EO No. 56 ang 911 ang bagong hot­line kapalit ng Patrol 117 na unang naging epektibo noong alkalde pa ang Pangulo ng Davao City kung kaya’t ginawa nitong nationwide.

Kasunod nito, personal na nagpasalamat ang kalihim kay Pangulong Duterte dahil sa inisyatiba nito sa tuluyang pagsugpo sa iba’t ibang problema sa lipunan.

Samantala, ayon sa impormasyon ng Philippine Commission on Women, malaki rin ang ambag ng hotline na ito sa kaligtasan ng maraming kabataan, mga kababaihan, at mga indibidwal na nalagay sa panganib ang kanilang buhay.

Partikular na ikinabahala ng ahensiya ang tila pagtaas ng bilang ng mga kabataang nabuntis na posibleng dulot ng pang aabuso sa kasagsagan ng lockdown dulot ng COVID-19.

Kaugnay nito, nananawagan ito sa susunod na administrasyon na higit pa nitong pagtuunan ang suporta nito sa kaligtasan ng marami pang Pilipino.

Ilang araw bago ang opisyal na pagpapalit ng administrasyon, umaasa ang DILG na gagawin itong isa sa mga prayoridad ng pamahalaang Marcos para sa mas maayos na disaster at crime response at mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter