Emergency Use Authorization ng AstraZeneca, inaprubahan na ng FDA

BINIGYAN na ng Food and Drug Administration (FDA) ng Emergency Use Authorization o EAU ang COVID-19 vaccine na AstraZeneca ayon sa kinumpirma ni FDA Director General Dr. Eric Domingo.

Kung saan ang naturang British-based vaccine ang siyang ikalawang kompanyang naka-secure ng EUA sa Pilipinas kasunod ng Pfizer BioNTech.

Ayon sa ahensiya napabilis  ang pag-apruba sa naturang brand ng bakuna dahil nakakuha na ito ng approval mula sa ibang regulators kabilang na ang United Kingdom kung saan na rolled out na ito.

Saad ni Domingo na mas mataas ang benepisyong makukuha sa AstraZeneca kaysa sa potential risk na maibibigay ng nasabing bakuna at present din ang lahat ng kondisyon para sa EUA.

Nakapagtala ng 70% average efficacy ang naturang bakuna matapos ang dalawang required doses.

Mas madali  itong ibiyahe at ipamahagi dahil hindi ito nangangailangang ilagay sa storage na may freezing temperatures.

Ayon sa World Health Organization (WHO) ang bakunang AstraZeneca ay maaring maimbak at mananatiling stable sa mga temperaturang 2 to 8 degrees Celsius.

Sa pamamagitan ng tripartite agreements sa pagitan mg private sector at local government units, nakaangkat pa ng karagdagang 17 million doses ng AstraZeneca vaccine ang bansa.

Tatlumpu’t siyam na LGU at halos tatlong daang kompanya sa buong Pilipinas ang lumagda sa naturang agreement.

Kabilang sa mga vaccine manufacturers na nag-aplay na ng EUA sa bansa ay ang Pfizer BioNTech, AstraZeneca, Gamaleya, Sinovac at Bharat.

Sa mga nabanggit na brand ng bakuna, unang nakatanggap ng EUA approval ang Pfizer at pangalawa pa lamang ang AstraZeneca.

Hinihintay naman ng FDA ang iba pang pharmaceutical company tulad ng Moderna, Clover, Jansen, at Sinopharm na nakikita nilang potensyal na mag-aaplay ng EUA sa Pilipinas.

Saad naman ni Domingo tanging sa mga emergency providers lang dapat magsuplay ng bakuna ang AstraZeneca.

Patuloy naman nagpaalala ang FDA na ang pagbibigay ng Emergency Use Authorization sa mga bakuna ay hindi nangangahulugang maaari na itong ibenta sa merkado.

SMNI NEWS