Empleyado ng LTO sa Iloilo na umano’y fixer, arestado

Empleyado ng LTO sa Iloilo na umano’y fixer, arestado

MULING nagbabala si Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade sa mga tiwaling tauhan ng ahensya.

Ito ay matapos maaresto sa isang entrapment operation ang isang tauhan ng LTO Guimbal extension office sa Iloilo na umano’y nagsisilbi ring “fixer” sa mga transaksyon sa ahensya.

Ayon kay Tugade, walang puwang sa LTO ang mga nasasangkot sa katiwalian at bilang na rin ang araw ng mga ito sa kanilang mga ilegal na aktibidad.

Batay sa reklamong inihain sa LTO Region 6, lihim umanong tumatanggap ang 61-anyos na suspek ng mga transaksyon ng ilang kliyente,  mula sa pagre-renew ng rehistro, pagpapa-lisensya, at maging ang pagbabayad ng multa kapalit ng pera.

Gayunman, kinukuha lamang umano nito ang bayad at hindi na itinutuloy ang pagproseso.

Dahil dito, nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 11032 o “Ease of Doing Business Law” sa Iloilo Provincial Prosecutor’s Office ang suspek.

Sinampahan din ito ng kasong administratibo at sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Guimbal Municipal Police Station.

 

Follow SMNI News on Twitter