Empleyado ng MRT-3  na nagpositibo sa COVID-19, nadagdagan

Empleyado ng MRT-3 na nagpositibo sa COVID-19, nadagdagan

UMABOT na sa 172 empleyado ng MRT-3 ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 batay sa isinagawang RT-PCR test ng MRT-3 sa kanilang mga empleyado.

 

Ayon sa Department of Transportation (DOTr)-MRT-3, 166 sa mga nabanggit na empleyado ay nakatalaga sa depot habang 6 naman ang station personnel na binubuo ng 4 na ticket sellers, isang nurse, at isang train driver.

 

Anila, nakatalaga sa Cubao at North Avenue stations ang mga nagpositibong ticket seller habang isa sa mga ito ang reserve seller.

 

Sinabi naman ni Transportation spokesperson Goddess Libiran, walang exposure o hindi nakasalamuha ng mga ticket sellers sa sinumang nagpositibong depot personnel.

 

Dagdag ng DOTr-MRT-3, kasalukuyan nang naka-admit sa quarantine facilities ng pamahalaan sa World Trade Center, Philippine Arena at Philsport Arena ang mga nagpositibo nilang empleyado.

 

Samantala, matapos ang dalawang suspensiyon ng operasyon nito,  sa ginawang pagpapalit ng riles sa north avenue,  muling magbabalik ang operasyon nito ngayong araw July 6.

 

Anila,  mula sa 16 to 19 na mga tren na tumatakbo kada araw,  magiging 11 nalang ito ngayon.

 

Ito ay bilang pagtugon sa rekomendasyon ng maintenance provider nito na Sumitomo-MHI-TESP na ipagpatuloy ang operasyon ng may pinababang bilang ng mga tren sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga personnel nito.

 

Upang matugunan ang inaasahang malaking bilang ng mga pasahero, mas maraming bus sa ilalim ng MRT-3 Bus Augmentation Program at EDSA Busway service ang ide-deploy, sa pakikipagtulungan ng DOTR Road sector, LTFRB at MMDA.

 

Magde-deploy ng 90 bus units sa ilalim ng MRT-3 Bus Augmentation Program at karagdagang 150 bus units naman sa EDSA  Busway service. Magkakaroon din ng mini-loop mula Timog hanggang Ortigas.

 

Patuloy naman ang isinasagawang RT-PCR testing sa lahat ng personnel ng MRT-3 at Sumitomo-MHI-TESP upang matukoy ang mga apektado ng COVID-19.

 

Ang mga personnel na nagpositibo sa sakit ay kailangan sumailalim sa quarantine upang maiwasan ang pagkalat at pagkahawa ng ibang empleyado at pasahero.

 

Bilang pagsunod sa IATF guidelines, at upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, mas pinaigting ng MRT 3 ang pagpapatupad ng mga health and safety protocols tulad ng pagsusuot ng full personal protective equipment (PPE) ng mga depot at station personnel, mas masusing paglilinis at pagdi-disinfect ng depot, mga istasyon at mga tren, at pagkakaroon ng monitoring at screening sa lahat ng empleyado ng MRT-3.

 

POL MONTIBON

Leave a Reply

Your email address will not be published.