NAGPYANSA ang aktor na si Enchong Dee matapos ang boluntaryo nitong pagsuko sa NBI sa Quezon City kahapon ng Lunes.
Kamakailan lang ay inisyuhan ng warrant of arrest si Dee para sa P1-B cyber libel case na isinampa ng isang kongresista sa kanya.
Nahaharap sa naturang kaso ang aktor dahil sa umano’y malisyosong tweet nito kay DUMPER Party List Representative Claudine Bautista-Lim.
Sa kabila ng paghingi ng tawad ng aktor kay Bautista-Lim ay itinuloy pa rin ang kaso laban sa una dahil ayon sa mambabatas ay nagdulot ang ‘malicious tweet’ ng ‘anxiety and humiliaton’ sa kanya.
“The impact on my and my family’s reputation left us no choice but to file cases against those responsible for causing us so much grief and worry, which almost led to me losing our baby, and which adversely affected some of our constituents’ trust in us,” ayon pa kay Bautista-Lim.
Matatandaan na Agosto 14, 2021, binatikos ng aktor kasama ng iba pang netizens ang anila’y magarbosong kasal ni Bautista-Lim sa childhood friend nitong si Jose French ‘Tracker’ Lim.
“The money for commuters and drivers went to her wedding. Let’s not prolong this conversation and don’t say otherwise,” ayon sa tweet ni Enchong.
Nagpahayag naman ng reaksyon si Bautista-Lim sa tweet ni Enchong maging sa ilan pang artista na bumatikos din sa kanya na sina Pokwang, Ogie Diaz, at Agot Isidro.
Sinundan naman ito ng paumanhin ni Enchong Dee sa pamamagitan ng tweet ngunit hindi ito tinanggap ni Bautista-Lim.
Samantala, na-dismiss naman ang cyber libel complaint na isinampa ng kongresista kina Agot, Pokwang, at Ogie noong buwan ng Disyembre.