Engkwentro sa pagitan ng mga tauhan ng PNP at PDEA, iimbestigahan

PANGUNGUNAHAN ng PNP CIDG ang binuong Joint Board of Inquiry ng PNP at PDEA na mag-iimbestiga sa naganap na barilan sa pagitan ng kanilang mga tauhan sa labas ng Ever Gotesco Mall sa Commonwealth Avenue bandang 5:45 ng hapon kahapon.

Itoy sa ilalim ng direktiba ni PNP Chief Police General Debold Sinas.

Layon nito na malaman ang katotohanan sa likod ng insidente at tukuyin ang dapat managot.

Inatasan din ni Sinas si NCRPO Director PMGen. Vicente Danao na magsilbing opisyal na tagapagsalita patungkol sa imbestigasyon ng PNP sa insidente.

Tiniyak ng PNP at PDEA na bagamat seryoso ang insidente, hindi ito makakaapekto sa patuloy na magandang relasyon at ugnayan ng dalawang ahensiya sa kampanya kontra droga.

Sa inisyal na ulat ng QCPD Station 6, dalawa sa mga pulis ang naitalang nasawi sa nasabing insidente habang 3 pulis ng QCPD District Special Operations Unit (DSOU) , at 2 ahente ng PDEA at kasama nilang sibilyan ang nagtamo ng tama ng bala.

Matatandaang, pasado alas 6 ng gabi ay kapwa nagsagawa ng magkahiwalay na buy bust operation ang PDEA at District Special Operations Unit (DSOU) ng QCPD na nauwi sa barilan.

Isa sa nakikitang dahilan ay posibleng hindi nagkaroon ng koordinasyon ang PDEA at DSOU sa gagawing operasyon kaya nagkaroon ng engkwentro sa pagitan nila.

Ayon sa tagapagsalita ng PDEA na si Director Derrick Careon, well-coordinated naman ang kanilang galaw sa ginawa nilang buy-bust operation

Sa ngayon, humihingi pa rin ng panahon ang PDEA upang maisapinal ang detalye at report habang wala pa naman statement ang QCPD DSOU.

Kinumpirma rin ito ni NCRPO Chief Police Major General Vicente Danao III  na isang lehitimong anti-illegal drugs operation pero aminado ito sa kalituhan kung sino ang nag buy-bust at sino ang kabuy-bust ng dalawang grupo.

Kasabay ng paalala sa mga kahalintulad na operasyon ang kahalagahan ng koordinasyon.

Sa paunang ulat, nagsagawa umano ng ‘sell bust’ o nagbenta ng droga ang asset ng PDEA at habang ‘buy-bust  o  bibili naman ng droga  ang asset ng DSOU.

Ayon naman kay PDEA NCR Dir. Derrick Carreon, lehitimo ang kanilang operasyon ngunit humihingi pa rin ito ng panahon upang maisapinal ang detalye at report habang wala pa naman statement ang QCPD DSOU.

Inaasahan naman na bibisita sa pinangyarihan ng insidente si PNP Chief Debold Sinas.

Sinabi naman ng pamunuan ng pambansang pulisya, sa kabila ng nasabing insidente ay hindi mababahiran ang magandang relasyon ng dalawang ahensiya.

“The PNP and PDEA both agree and assure the public that the incident, while serious, will in no way affect the continuing operational relationship and coordinations they have long firmed up in the fight against illegal drugs,” ayon sa pahayag ng PNP.

Sinasabi naman sa panig ng mga pulis, hindi inakala ng mga ito na PDEA agents ang kanilang naka-transaksyon.

Sa nangyaring komprontasyon nauna raw bumunot ng baril ang mga PDEA agents at ipinutok sa mga pulis kaya gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkasugat ng anim.

SMNI NEWS