PINALAWIG pa ng lokal na pamahalaan ng Tuguegarao ang pagsasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) status ng lungsod.
Idineklara ni Mayor Jefferson Soriano, na magpapatuloy ang ECQ sa lungsod ng lima pang araw o hanggang Pebrero 3.
Ito dahil aniya sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 da kabila ng 10-araw na ECQ period.
Pinaliwanag naman ni Soriano na karamihan sa mga nadadagdag na kaso sa mga nakaraang araw ay resulta ng agresibong mass testing na bahagi ng “trace, detect and quarantine” strategy ng kanilang city health office.
Ayon sa alkalde, layon ng mas mahabang ECQ na mapababa ang bilang ng kaso bago muling luwagan ang quarantine status ng lungsod.
Kasabay naman aniya ng pagpapalawig ng ECQ ay mas paiigtingin pa ng otoridad ang protocols upang malimitahan ang paglabas ng mga tao sa kanilang mga tahanan.
Tiniyak naman nito na patuloy na mamamahagi ng food packs ang pamahalaang lungsod sa mga apektadong pamilya.