PABOR si dating Senate President at ngayon ay Presidential Legal Counsel Sec. Juan Ponce Enrile sa mga ginagawang desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang unang dalawang linggo bilang Pangulo ng bansa.
Ito ay kaugnay sa desisyon ng Pangulo hinggil sa pag-veto sa Bulacan Economic Zone, panukalang pag-rightsize sa mga ahensya ng gobyerno at pagbubuwis sa mga online services.
Paliwanag ni Enrile, maraming advisers ang Pangulo na tumutulong sa kanyang mga desisyon sa mga usapin sa bansa.
Partikular na tinukoy ni Enrile ang pag-veto ni PBBM sa panukalang pagtatayo ng economic zone sa lalawigan ng Bulacan malapit sa pagtatayuan ng Bulacan International Airport.
Giit ni Enrile, marami na ring economic zones sa mga lugar na malapit sa Bulacan kaya hindi na aniya kailangan ito.
Kabilang sa mga binanggit ni Enrile na mga lugar na may economic zone ang Pampanga, Subic, Bataan at Baguio City.
Kaugnay naman sa panukalang rightsizing sa mga ahensya ng gobyerno, sinabi ni Enrile na tama lang ito para makatipid aniya ang gobyerno ng pampasahod sa mga empleyadong hindi naman produktibo sa kanilang ginagawa.
Hinggil naman sa panukalang pagbubuwis sa online services, sinabi ni Enrile na tama lang ito dahil marami aniyang mga serbisyo sa online ang hindi nagbibigay ng resibo kaya hindi nakatitiyak kung ang mga ito ay nagbabayad ng buwis.