Enrollment period para sa school year 2020-2021 opisyal nang nagtapos

Enrollment period para sa school year 2020-2021 opisyal nang nagtapos

OPISYAL nang nagtapos ngayong araw ang enrollment period sa basic education level para sa school year 2020-21 kungsaan ay nakapagtala ng 20, 220, 507 milyong enrollees ang Department of Education o DepEd.

 

Kabilang sa mahigit 20 milyong nagpatala ang kinder hanggang senior high school kasama ang mga non-graded enrollees o Learner with Disabilities at maging sa Alternative Learning System o ALS sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

 

Mula sa 20, 220, 507, nasa 19.145, 129 milyon dito ang nagpa-enroll sa pampublikong paaralan habang nasa 1, 050, 434 milyon naman sa mga pribadong paaralan.

 

Ayon kay Usec. Diosdado M. San-Antonio na ang malaking porsyento ng mga nagpa-enroll para sa susunod na school year ay indikasyon lamang na mas maraming mga magulang ang naghahangad na maipagpatuloy ng kanilang mga anak ang kanilang pag aaral sa kabila ng krisis.

 

Nilinaw naman ni San Antonio na opisyal nang nagtapos ngayong araw, July 15 ang enrollment period para sa School year 2020-2021 ngunit tinatanggap pa rin naman ang mga huling magpapalista.

 

“Yong official enrollment period magsasara na ngayong araw pero may mga DepEd guidelines naman tayo na kapag justified na pagging huli sa paglilista,” aniya pa.

 

Napag-alaman naman na 300, 000 na mga estudyante sa pribadong paaralan ang lumipat  sa pampublikong paaralan para sa darating na school year.

 

Matatandaan naman na may grupo ng mga private school sa Valenzuela ang nagpahayag ng pagkadismaya sa desisyon ng DepEd na tumanggap ng mga enrollees kahit kulang ang credential o dokumento ng mga ito.

 

Ito ay dahil marami sa mga estudyante sa mga pribadong paaralan sa Valenzuela City ang may utang pa at maaaring nakalipat na sa pampublikong paaralan.

 

Pero ayon kay San Antonio, wala silang karapatang umayaw ng mga enrollees kahit wala itong sapat na dokumento, pero aniya hindi naman nila hahayaang hindi aasikasuhin ng isang bata ang kaniyang credential sa kaniyang previous school.

 

“Sinisiguro naman namin na hindi makakakuha ng graduation credential ang mga batang walang complete credential,” aniya pa.

 

Sa ngayon ay nagpapatuloy naman ang trainings ng mga guro para sa gagawing distance learning.

 

Sa unang linggo naman ng Agosto ay magkakaroon ng national simulation para sa bagong uri ng edukasyon sa mga bata.

 

May ilan namang mga LGU ang nagsagawa na ng kanilang sariling simulation tulad sa Navotas City.

 

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.